Kahirapan sa pagkatuto
HINDI lamang sa ekonomiya mahirap ang Pilipinas, mahirap din tayo sa larangan ng pagkatuto na kung tawagin ay learning poverty. Ito’y ang kawalan ng kakayahan ng isang bata na magbasa at umunawa ng kahit maikli at simpleng mensahe, gayong siya’y sampung taon na o nakaabot na ng grade 4 o grade 5.
Ayon sa World Bank (WB), ang Pilipinas ngayon ang may pinakamataas na learning poverty sa buong Asia at Pacific Region. Sa pagtaya ng WB, 91 porsyento ng mga batang Pilipino o isa sa bawat sampung batang Pilipino na may edad na sampung taon ay hindi pa marunong magbasa o kaya’y hirap pang magbasa. Ang average na porsyento sa buong rehiyon ay 34.5 porsyento lamang.
Kapag ang isang bata’y nasa grade 4 o grade 5 na ngunit hindi pa rin marunong bumasa, apektado na ang kanyang pag-aaral, mahihirapan na siyang matuto. Mas malamang kaysa hindi, na ang batang ito’y titigil na sa pag-aaral at masasama sa lumalaking bilang ng mga kabataang wala sa loob ng eskwelahan. Kapag nagkaganito, apektado na ang kinabukasan ng bata.
Kabilang sa itinuturong dahilan ng lumalalang learning poverty sa Pilipinas ay ang pagsasara ng mga eskwelahan at pagsasagawa ng online learning noong panahon ng pandemya, maliit na pondong inilalaan ng gobyerno para sa edukasyong pampubliko (ang ginugugol ng Pilipinas ay mababa ng 83.5 porsyento kumpara sa ginugugol ng mga bansa sa East Asia at Pacific Region), sobrang pagsisikip ng mga mag-aaral sa loob ng mga silid-aralan dahil sa kakulangan ng mga gusaling pampaaralan, at sobrang trabaho ng mga titser. Imposibleng matutukang mabuti ng isang titser ang kanyang klase na binubuo ng mula 50 hanggang 65 na estudyante.
Kailangan talagang buhusan ng pondo ang ating public school system para iangat ang kalidad ng ating edukasyon. Noong araw, nangunguna ang Pilipinas sa Asia sa kalidad ng edukasyon, ngunit ngayon ay nangungulelat na. Ako’y produkto ng public school system sa isang panahon na ang hindi makapasa sa pampublikong eskwelahan na may napakataas na pamantayan ay itinatapon sa pribado.
Kulang ang pondong inilalaan ng gobyerno sa edukasyon. Kaya nakapagngingitngit kapag bilyung-bilyong piso ang ninanakaw ng mga kawatan sa gobyerno, kapag bilyun-bilyong piso ang ginugugol sa mga di-masyadong kailangang proyekto na may isa lang malinaw na benepisyo—siguradong may nagkapera.
Sa kabuuan, nararapat ang radikal na pagbabago sa sistema ng ating edukasyon kung ayaw nating lumikha ng henerasyon ng mga kabataang walang laman ang utak. Nakapag-aambag pa sa ating problema ang pagkahumaling ng ating mga bata’t kabataan sa mga gadgets. Sa halip na libro, gadget ang hawak. Sa halip na magbasa, ang gusto’y manood na lamang ng mga palabas sa Netflix o maglaro ng mga video games. Sa halip na mag-isip, tumatakbo na lang kay Mr. Google. Ang nalilikha ng ating panahon ay mga kabataang mangmang na madaling maloko ng mga fake news at disinformation.
Sabi ng ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal, “Ang kabataan ang pag-asa ng bayan.” Ngunit nais kong dagdagan, hindi lamang basta kabataan, kundi kabataang malusog ang isip at katawan, kabataang nagbabasa at nag-eehersisyo. Ito ang mga kabataang dapat bumuo ng bagong Pilipinas!
- Latest




















