Wheelchair (144)

DUMATING ang pinakahihintay na araw ni Jong graduation na nila. Pagkaraan ng dalawang taon na pagtitiyaga, matatanggap na niya ang diploma sa Associate in Nursing. Maaga pa, nagtungo na sila sa auditorium ng unibersidad kasama ang kanyang inay at si Tito Mon. Maayos ang damit ng kanyang Inay ganundin si Tito Mon. Hindi mailarawan ang kasiyahan sa mukha ng inay ni Jong. Lalo pa nitong nadama ang kasiyahan nang isabit ang medalya sa anak.

Nang matapos ang graduation, nagpasalamat ang inay ni Jong kay Tito Mon.

“Salamat Mon sa ginawa mong pagpapaaral kay Jong.”

“Wala yun, Insan. Di ba pinangako ko sayo na pag-aaralin ko si Jong dahil siya ang maghahango sa atin sa kahirapan. Kapag nagkatrabaho yan, dito ka na sa Maynila, titira—sa condo na ang tirahan ninyong mag-ina.’’

“Siyempre naman Mon, kasama ka namin, di ba Jong?’’

“Oo naman Inay. Laging kasama si Tito Mon. Kapag nagkatrabaho ako, pare-pareho tayong uunlad. Hindi na maghihirap.’’

Maya-maya lumapit sa kanila si Pam. Ipinakilala ni Jong si Pam sa kanyang inay.

“Inay si Pam, matalik kong kaibigan.’’

“Kumusta Pam? Napakaganda mong bata.’’

“Thank you po.’’

“Sana lagi ang pagkakaibigan ninyo ni Jong.’’

Tumingin si Pam kay Jong.

(Itutuloy)

Show comments