^

Punto Mo

Lumikha ng bagong kasaysayan

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

LIMAMPUNG taon na ang nakararaan nang idiklara ni Presidente Ferdinand Marcos ang batas militar sa buong Pilipinas. Sa ilalim ng batas militar, si Marcos ay namuno bilang isang diktador sa loob ng 14 na taon hanggang sa siya’y mapatalsik sa kapangyarihan sa pamamagitan ng EDSA People’s Power Revolution noong 1986, isang mapayapang rebolusyon na hinangaan ng buong daigdig.

Ang diktador ay isang lider pulitikal na humahawak ng ganap na kapangyarihan. Binuwag ni Marcos ang Kongreso at siya mismo ang gumawa ng mga batas at nagpatupad ng mga ito. Sa panahon ng diktadurya, libu-libo ang ikinulong, pinarusahan, at pinatay. Dokumentado ang mga ito at hindi haka-haka lamang. Nagkaroon din ng malawakang katiwalian na kinumpirma mismo ng Korte Suprema. Tama ang English historian na si Lord Acton, “Ang kapangyarihan ay maaaring mauwi sa katiwalian at ang ganap na kapangyarihan ay nauuwi sa ganap na katiwalian.”

Hindi natin suka’t akalain na pagkaraan ng 50 taon, mababalik sa Malacañang ang isang Marcos bilang Presidente—si Ferdinand Marcos, Jr., na nanalo sa isa sa pinakamalaking lamang sa kasaysayang pulitikal ng Pilipinas. Kapag punto ng kasaysayan ang pag-uusapan, hindi dapat nagagalit si BBM kapag siya’y tinatawag na, “Ang Anak ng Diktador,” sapagkat totoo namang ang kanyang ama’y naging diktador, at siya’y anak nito. Sa gusto man niya o ayaw, hindi na niya mababago ang kasaysayan at hindi niya dapat tangkaing baguhin ang kasaysayan. Ang dapat niyang gawin ay lumikha ng bagong kasaysayan.

Napakapalad ni BBM, sapagkat binigyan siya ng pagkakataon ng Diyos at ng mamamayang Pilipino upang lumikha ng bagong kasaysayan at ibangon ang dangal ng kanyang pamilya. Nasa kanya ang ginintuang pagkakataon upang maging isang dakilang lider. Maaaring mula sa tawag na, “Ang Anak ng Diktador,” siya’y tawaging, “Ang Ama ng Bagong Demokrasya.”

May magaganda rin namang nangyari sa panahon ng batas militar at diktadurya. Maaari niyang ulitin at gandahan pa ang mga ito. Sa kabilang dako, kung kikilalanin niya na totoong may mga hindi magagandang nangyari at idideklara niya na hinding-hindi niya pahihintulutang maulit ang mga ito sa panahon ng kanyang panunungkulan, igagalang siya’t pagtitiwalaan ng lahat ng mamamayang Pilipino.

Ang kanyang ina’y nakilala sa pagiging maluho sa paraan ng pamumuhay, kung tagurian nga ng marami ay “buhay-reyna.”  Kung si BBM, ang kanyang asawa’t mga anak ay mamumuhay nang simple, mabibihag nila ang puso ng mga Pilipino at sila ang magiging modelo ng marangal na pamumuhay at maaaring taguriang “buhay-alipin.” Kay Hesus, ito ang pinakamataas na pamantayan ng isang tunay na lider, ang maging tagapaglingkod, sa halip na pinaglilingkuran.

Kung sa halip na ipaglaban sa punto ng batas ang sinisingil na buwis sa mga ari-arian ng mga Marcoses na tinatayang mula sa P23 bilyon ay umaabot na sa mahigit na P200 Bilyon dahil sa patung-patong na multa ay magpapasya si BBM na babayaran nila ang sinisingil na buwis, lilikha ito ng nag-uumapaw na inspirasyon sa mga Pilipino, at siguradong marami ang susunod sa kanyang mga yapak at buong-pusong magsisipagbayad ng karampatang buwis.

Bilang Pilipinong nagmamahal sa Pilipinas, dalangin ko na si BBM ay pagkalooban ng Diyos ng bagong puso upang lumikha ng bagong kasaysayan na gigimbal hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo.

vuukle comment

EDSA

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with