Ginger (73)

TINANONG ni Anton sa nurses station kung nasaan ang bagong pasyente na sinugod kaninang umaga.

“Nasa emergecy room po Sir,’’ sagot ng nurse.

“Saan ang ER, Mam?’’

“Dun po. Deretso lang po!’’

Tinungo ni Anton ang tinuro ng nurse. Nagtataka si Anton kung bakit nasa ER ang papa ni Ginger gayung kanina, sabi ni Ginger ay okey na. Baka masyado lang naguluhan si Ginger.

Binilisan ni Anton ang paglalakad. Tumataguktok sa suwelo ang kanyang sapatos sa pagmamadali.

Natanaw niya ang malaking karatula ng ER.

Bago pa siya lubos na nakarating sa pinto ng ER ay lumabas si Ginger. Umiiyak.

“Ginger!’’

Nang makita siya ni Ginger ay lalo itong bumunghalit ng iyak.

Lumapit si Anton sa kasintahan at niyakap.

‘‘Anong nangyari?’’

‘‘Wala na si Papa!’’

‘‘Akala ko okey na siya nang magkausap tayo kanina?’’

‘‘Inatake muli. Hindi na nakarekober. Wala nang nagawa ang doktor.’’

Niyakap nang mahigpit ni Anton si Ginger para payapain. Umiyak nang todo si Ginger. Naramdaman ni Anton ang pagtula ng luha ng dalaga sa balikat niya.

Hinayaan ni Anton na umiyak si Ginger.

Nang tumigil sa pag-iyak ay tinanong kung nasaan na ang bangkay ng papa nito.

“Nasa morgue na. Hindi ko inaasahan ito, Anton. Napakabilis nang pag-alis niya.’’

Nahabag si Anton. Nadarama niya ang nadarama ni Ginger dahil ganito rin ang nangyari sa kanyang ama noon.

(Itutuloy)

Show comments