^

Punto Mo

Bigas: Bawas-presyo o bawas-kanin?

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

NAKAKALULA na ang kasalukuyang presyo ng bigas na umaabot na sa P50 hanggang P80 bawat kilo. Halos wala ka nang makikitang klase ng bigas na mas mababa pa sa P37. Kaya naman naging kontrobersiyal at naging usap-usapan hanggang sa kasalukuyan ang pangako ni BBM na ibababa nito ang presyo ng bigas sa halagang P20. Nililinaw naman niya na isa lamang hangarin iyon pero maraming naglalabasang mga positibo o negatibong komento o argumento  at merong mga pagdududa sa iba’t ibang kadahilanan. Nariyan din ang pag-aalala sa magiging negatibong epekto nito sa mga magsasaka kung sakaling maibaba sa P20 per kilo ang bigas.

Tapos na ang eleksyon pero patuloy pa ring usap-usapan ang pagpapababa sa presyo ng bigas. Hindi masisisi ang mga Pinoy na umasa sa pangakong P20 dahil pangunahin at napakahala­gang pagkain sa hapag-kainan ng mga Pinoy ang kanin. Kanin ang tawag natin sa naluto nang bigas. Sinaing kapag niluluto pa lang. Hindi na baleng konti ang ulam basta’t ang mahalaga ay maraming kanin sa plato niya. Hindi na baleng tuyo lang ang ulam basta’t may kanin. Okay lang sa iba kung aasinan lang o sasabawan ng kape ang kanin. Hindi iyon makakapigil sa kanila na kumain ng kanin.

Kung mapapansin, kahit nagtataasan ang presyo ng iba’t ibang klase ng bigas, hindi iyon nakakapigil sa mga Pinoy na kumain ng kanin. Maaaring dahil hindi naman pare-pareho ang presyo ng iba’t ibang klase ng bigas. Meron pa kasing mapipiling mas mababa ang presyo tulad ng mga halagang P37 o P39 o P40 kada kilo. Sa mga restawran, karinderya at ibang kainan, marami pa ring mga Pinoy na umoorder ng dalawa o tatlong tasa ng kanin kahit pa sabihing ang presyo nito ay P10 o P20. Hindi nakakapagtaka na pumatok ang “unli rice” ng ilang fastfood outlet na ang mga kustomer ay binibigyan ng libreng ekstrang kanin kahit gaano karami at kahit konti lang ang ulam.

Pero may mga Pilipino rin naman na nagbabawas o tumitigil sa pagkain ng kanin dahil sa usaping pangkalusugan. Ang iba naman ay lumilipat sa brown rice kung dinapuan o umiiwas sa sakit na diabetes. Matagal nang babala ng mga eksperto sa kalusugan, ng mga scientist at doktor na nakakasama sa kalusugan ang sobrang pagkain ng kanin (dalawang tasa o mahigit pa). Isa sana itong malakas na rason para magbawas sa pagkonsumo ng kanin.

Kung mababawasan nang malaki ang pagkonsumo ng kanin, baka mabawasan ang pangangailangan sa bigas. Kung mababawasan ang pangangailangan dito, hindi malayong magbabaan ang presyo ng iba’t ibang klase ng bigas kung isasaalang-alang ang law of supply and demand. Baka mangyari iyong P20 kada kilo. Iyon ay kung matitiis ng mga Pinoy at kung magiging handa sila na magbawas sa pagkonsumo ng kanin.

Puwede marahil ito sa mga mapera na kayang bumili ng mas maraming ulam na makakabusog sa kanila kahit konti lang ang kainin nilang kanin. Pero paano ang mga maralita na ang tanging nakakapagpabusog sa kanila ay kanin na sapat na para sa kanila kahit konti ang ulam o kahit wala nang ulam?

• • • • • •

Email: [email protected]

 

BIGAS

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with