Ang ika-13 babae sa kanyang buhay (178)

KUMAIN sila ng tanghalian. Dalawang putahe ang niluto ni Mira – kare-kare at steamed lapu-lapu. Ang drinks ay buko juice na nasa kristal na lalagyan at namamawis sa lamig.

“Ang sarap ng kare-kare mo, Mira. Ngayon lang ako nakakain ng ganito kasarap na kare-kare,’’ sabi ni Reagan.

“Salamat.’’

“Pati ang bagoong ay napakasarap. Paano ka nakagawa ng ganito kasarap na bagoong?’’

“Sariwang alamang yan na ginisa ko. Kapag sariwa ang alamang lumalabas ang sarap sa paggisa. May halong baboy.’’

‘‘Ang sarap talaga. Puwede ka nang mag-asawa.’’

Umirap si Mira pero binawi at ngumiti rin.

‘‘Wala yatang balak mag-asawa yan, Reagan. Tingnan mo at nagpaikli pa ng buhok. Parang tomboy,’’ sabi ni Lincoln na seryoso.

“Si Papa talaga, nagpaikli lang ng buhok, tomboy na agad.’’

‘‘Kasi’y kaganda-ganda na hanggang balikat ang buhok mo e ipinapugot mo.’’

‘‘Style to, Papa.’’

“Style ba yan na para kang may nakapatong na bunot sa ulo mo.’’

Nagtawa si Reagan.

Umirap si Mira kay Reagan.

“Mabuti pa, kumain ka na lang ng kumain Papa. Huwag mo nang pansinin ang hair ko.’’

Hindi na nagsalita si Lincoln. Ipinagpatuloy ang pagkain.

Nakangiti lang si Reagan.

Pagkatapos kumain, lumipat sa salas sina Reagan at Lincoln. Binuksan ang Blue Label at sumimsim sila.

Si Mira ay nasa kusina at naghuhugas ng pinggan.

“Hindi ko alam kung bakit biglang nagpapugot ng buhok si Mira. Style ba yun?’’ sabi ni Lincoln makaraang tumungga.

“Maalinsangan daw, Lincoln.”

“Nagdududa na talaga ako.’’

“Anong ibig mong sabihin?’’

“Tomboy itong anak ko.’’

(Itutuloy)

Show comments