‘Pananampalataya’

ISANG araw ng Sabado na “malaya” pa tayong nakakagalaw dahil wala pang COVID, ay napagawi ako sa Quiapo. Nadaanan ko ang mahabang pila ng tao patungo sa kinaroroonan ng Poong Nazareno. Nahulaan kong mga hahalik sa Poon ang mga taong nakapila. Talaga palang marami ang nagdedebosyon sa Poong Nazareno dahil kahit Sabado ay mahaba pa rin pala ang pila ng mga humahalik kay Poong Nazareno.

Kapag araw ng Biyernes, karamihan sa mga nagsisimba ay sa labas lang ng simbahan nagdadasal dahil umaapaw ang tao sa loob. Minsan ay naglalaro sa aking isipan: Kanino kayang panalangin ang mas mauunang magkaroon ng katuparan, ‘yung nagsasakripisyong pumila upang makahalik sa poon o ‘yung hindi nagsasakripisyong pumila para makahalik at basta lang nanalangin at nagsisimba sa labas ng simbahan?

Noong araw ay may isang matandang babaeng ubod ng taray. Mayaman siya pero nagsasakripisyo siyang maglinis ng simbahan araw-araw. Naririnig kong ginagawa niya iyon para raw magsilbi sa Diyos. Nagpapakabait siya sa Diyos pero bakit hindi sa kanyang kapwa. Madalas siyang nagtataray sa mga batang naglalaro sa tapat ng kanilang bahay. Kapag nakita niya ang mga ina ng mga batang nag-iingay ay hinihiya niya ang mga ito at sinasabihang  hindi marunong magdisiplina ng anak.

May pagkakataong pati ang walang malay na puting kumot na nakasampay sa harapan ng kapitbahay ay hindi nakakaligtas sa mapanuri niyang mata. Sasabihin niya: Kanino kayang kumot ang nakasampay na diyan? Hindi marunong maglaba, puting naninilaw. Mga babaeng ito!

Naitanong naming mga bata sa isa’t isa, sino kaya ang pipiliin ng Diyos na papasukin sa langit, ‘yun matandang nagsasakripisyong maglinis ng simbahan araw-araw alang-alang sa pagmamahal niya sa Diyos pero maligalig at mapanghusga naman sa kapwa o ang aming mga ina na hindi naglilinis ng simbahan pero hindi mataray sa kanilang kapwa?

 

Show comments