^

Punto Mo

Positive sana tayong lahat

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

DAHIL sa COVID-19 pandemic, ang positive ay itinutu­ring natin ngayon na negative. Ayaw na ayaw nating marinig na positive ang resulta ng antigen o RT-PCR test dahil ang ibig sabihin nito’y infected ng coronavirus. Ito’y kapag pandemya ang usapan. Pero kapag ang usapan ay tungkol sa pananaw sa buhay, kailangan ay positive tayo. Puwera ang negative.

Ang positibong pananaw ay nag-aanyaya ng positibong pwersa. Ayon sa American author na si Zig Ziglar, ang isang maliit na positibong kaisipan ay maaaring magpabago sa buong maghapon ng isang tao. Suportado ito ng siyensiya. Base sa mga pag-aaral, kapag positibo ang pananaw, ang utak ay naglalabas ng endorphins, isang uri ng hormones na lumilikha ng masayang damdamin, nagpapababa ng stress, nagtatanggal ng pananakit na parang painkiller, at nagpapalakas ng katawan.

Ito ang dahilan kung bakit ang taong may positibong pananaw ay higit na masaya at malusog kaysa taong negatibo ang pagtingin sa mga bagay-bagay. Ang kalusugang ito’y hindi lamang sa aspetong pisikal, kundi maging sa mental, sikolohikal at sosyal. Nababawasan ang takot ng taong positibo ang pananaw. Sinasabi ng mga eksperto na ang talagang kaaway natin ngayon ay hindi naman ang coronavirus, kundi ang takot. Kapag ang tao’y takot, maging ang maliit na problema’y nagiging halimaw sa kanyang paningin.

Kailangang-kailangan ang positibong pananaw sa panahon ngayon ng pandemya na patuloy na tumataas ang bilang ng mga nagkakasakit sa puntong pisikal at mental. Sa gitna ng mabigat na problema, matutuhan nating hanapin ang mga positibong bagay para hindi tayo maibagsak ng problema.

Ang salitang krisis kapag isinulat sa Chinese ay binubuo ng dalawang karakter: ang isa’y kumakatawan sa problema at ang isa’y sa oportunidad. Kapag may problema, siguradong may oportunidad. Kapag may krisis, siguradong may mga magandang pagkakataon. Sa panahon ng krisis, doon may nalilikhang mga milyonaryo at bilyonaryo. Sila ‘yung mga taong ang pinagtuunan ng pansin ay ang mga oportunidad magandang pagkakataon.

Kapag tayo’y nakaharap sa araw, nasa likuran natin ang ating anino, ngunit kapag tayo’y nakatalikod sa araw, nasa harapan natin ang ating anino. Kapag negatibo ang pananaw natin sa buhay, tumatalikod tayo sa liwanag at hinahayaan nating pangunahan tayo ng ating anino. Sa gitna man ng krisis, kailangang manatili tayong mangarap ng magagandang pangarap sa pamamagitan ng positibong pagtanaw sa kasalukuyan at kinabukasan.

Napatunayan din sa mga pag-aaral na ang mga taong may matibay na pananampalataya sa Diyos ay may positibong pananaw sa buhay. Laging magkasama ang pananampalataya at pag-asa. Kaya bukod sa pagdalangin na ipag-adya tayo ng Diyos sa coronavirus, idalangin din natin na dagdagan ng Diyos ang ating pananampalataya.

Para maging kumpleto ang panlaban sa COVID-19, isama natin ang positibong pananaw sa ating supply ng alcohol, face mask, paracetamol, oral antiseptic, gamot sa sipon at ubo. At para maging positibo ang ating pananaw, kailangang mga positibong bagay ang ipinapasok natin sa ating isip. Magandang reseta ang sinasabi sa Filipos 4:8, “Anumang bagay na totoo, anumang bagay na kagalang-galang, anumang bagay na matuwid, anumang bagay na malinis, anumang bagay na kanais-nais, anumang bagay na kahanga-hanga, kung may anumang kahusayan, at kung may karapat-dapat parangalan, ang mga bagay na ito ang isipin ninyo.”

COVID-19

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with