Bisa ng face mask laban sa COVID muling napatunayan

SA mga health protocol na ipinatutupad kaugnay sa COVID-19, pangunahing sinusunod ng mga Pilipino ang pagsusuot ng face mask.  Ito ay batay na rin sa survey ng OCTA Research noong Enero 26, 2021 hanggang Pebrero 1, 2021 na nagsasaad na  91 porsiyento ng mga Pinoy o isa sa bawat 10 Pilipino ang nagsusuot ng face mask. Sumusunod lang ang paghuhugas ng kamay, pagsusuot ng face shield, social distancing, pananatili sa bahay hangga’t maaari at iba pa.

Noon pa mang nagsimula ang pandemya, ang pagsusuot ng face mask ang isa sa panguna-hing ipinatutupad para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19. May mga patotoo na sa bisa ng face mask bagaman sinasabi ng mga awtoridad na doble ang proteksiyon ng tao laban sa virus kung magsusuot siya ng face shield.

Gayunman, isang pag-aaral na sumaklaw sa mahigit 340,000 mamamayan sa Bangladesh ang napaulat noong nakaraang linggo na nagbibigay nang malakas at totoong ebidensiya na ang pagsusuot ng face mask ay nakakatulong sa mga komunidad para mapabagal ang pagkalat ng COVID-19.

Sinasabing isa itong pinakamalaking randomized trial para ipakita ang bisa ng surgical mask para masugpo ang transmission ng coronavirus. Meron na namang naunang maliliit na pag-aaral sa mga laboratory at ospital na nagpapakita na nakakatulong ang mask para mapigilan ang pagkalat ng naturang sakit. Pero ipinakita sa bagong pag-aaral ang malawak  na epekto ng face mask sa totoong mundo.

Ang preprint study ay ipinoste nitong nagdaang linggo sa internet ng Innovations for Poverty Action  at sumasailalim sa peer review. Ang pananaliksik ay pinangunahan nina Assistant Professor Laura Kwong ng University of California, Berkeley, Jason Abaluck ng Yale University, at Steve Luby at Ashley Styczynski ng Stanford University.

Sinabi ng mga researcher na lumitaw sa pag-aaral na nabawasan ng 11.9 porsiyento ang mga symptomatic COVID symptoms at 9.3 porsiyento ang nabawas sa symptomatic seroprevalence. Lumitaw din  sa pag-aaral na mas epektibo ang surgical mask kumpara sa cloth mask.

Ayon kay Mushfiq Mobarak,  professor of economics sa Yale at co-author ng pag-aaral, “ang 30 porsiyentong pagtaas ng bilang ng nagsusuot ng face mask ay nagbubunga ng 10 porsiyentong bawas sa kaso ng COVID kaya isipin na lang kung merong 100 porsiyentong pagtaas – kung lahat ay nagsusuot ng mask at nakakita tayo ng 100 porsiyentong pagbabago.”

Sinasabi ng ibang eksperto na ipinakikita sa pag-aaral ag pagpapaunawa kung bakit kailangang magsuot ng face mask sa panahong ito ng pandemya.

Sinasabi naman ng isang infectious diseases physician at associate professor of medicine ng University of Toronto na si Dr. Isaac Bogoch na pinatitibayan ng pananaliksik ang matagal nang kaalaman sa epekto ng face mask pero idiniin niya na dapat tingnan ito ng mga tao bilang lang sa maraming hakbang na kailangan para mapigilan ang pagkalat ng COVID. Kailangan pa rin aniya ang pagbabakuna, better ventilation sa mga indoor setting, crowd control, physical distancing at iba pa.

-oooooo-

Email: rmb2012x@gmail.com

Show comments