_pang-masa
^

Punto Mo

Kakaibang Eba (144)

Ronnie M. Halos - Pang-masa

TUWANG-TUWA si Piolo nang makita ang mga alagang kalabaw ni Mariz kinabukasan.

Sa totoo lang, noon lang siya unang nakakita ng tunay na kalabaw. Pawang sa picture at pelikula lang siya nakakakita ng kalabaw.

Hindi niya maitago kay Mariz ang kasiyahan nang makita ang apat na kalabaw.

“Sino ang nag-aalaga sa mga yan, Mariz?’’

‘‘’Yung isa kong pinsang lalaki. Pero araw-araw ay binibisita ko ang mga ito. Yung isa kasing kalabaw ay malapit nang manganak at dapat kong ma-monitor ang kalagayan.’’

“Alin diyan ang ginagamit mong pang-araro?’’

“’Yung dalawang yun. Pawang toro ang mga yun at mahusay na pang-araro at panghakot ng niyog at mga palay. Yung isa – yung torete – e tuturuan pa.’’

“Turuan mo na akong mag-araro gamit ang kalabaw. Itong kalabaw talaga ang orihinal na katulong ng mga magsasaka. Mas nakaka-challenge mag-araro kapag kalabaw ang gamit.’’

“Tena,’’ sabi ni Mariz at kinuha ang isang toro sa kinatatalian. Hinila nila ito ni Piolo patungo sa aararahing lupa.

Pagdating sa pinitak, agad isinalang ni Mariz ang kalabaw sa araro. Sanay na sanay si Mariz nang ilagay ang mga tali ng araro sa kalabaw.

Si Mariz muna ang nag-araro at ipinakita kay Piolo kung paano ang tamang pagpapakagat ng talim ng araro sa lupa.

‘‘Huwag masyadong malalim ang kagat ng araro sa lupa dahil mahihirapan ang kalabaw. Huwag din namang mababaw dahil bibilis ang lakad ng kalabaw at walang mabubungkal. Pagmasdan mo ako, Piols.’’

Masusing tiningnan ni Piolo si Mariz. Ganun lang pala ang pag-aararo gamit ang kalabaw. Dapat ay alalay ang pagpapalakad sa kalabaw para maayos ang pagbubungkal.

Nang makailang ikot si Mariz, si Piolo naman ang sumubok.

Dahan-dahan lang muna ang pagpapalakad sa kalabaw. Alalay lang din ang hawak niya sa timon ng araro. Pirmi ang kamay niya sa timon para hindi baluktot ang pagbubungkal.

Hanggang sa matuto siya. Ilang ikot lang niya at sanay na siyang hawakan ang timon ng araro at ang lubid ng kalabaw. Parang naglalaro lang siya.

“Ang dali mong matuto, Piolo. Para kang hindi laking lungsod. Baka talunin mo pa ako.’’

“Kapag ganap na akong magsasaka, hindi ka na hahawak nito at ng traktora. Ako na lahat ang gagawa. Patanaw-tanaw ka na lang sa akin. Hahatiran mo ako ng meryenda at papahiran ng pawis. Okey ba?’’

“Opo Sir Farmer! Ikaw po ang masusunod.’’

Humahalakhak si Piolo.

Pagkatapos, ang pagsakay naman sa kalabaw ang pinag-aralan ni Piolo. Madali rin siyang natuto.

“Ang galing mo Piolo. Iangkas mo ako!’’

“Halika!’’ (Itutuloy)

KAKAIBANG EBA
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with