Pasaway sa lansangan, walisin!

May mga bago na namang patakaran ang ipatutupad sa loob ng dalawang linggo partikular sa Metro Manila at sa apat na karatig lalawigan, kaugnay sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID.

Kamakalawa, umabot na sa mahigit walong libo ang naita-lang mga bagong kaso ng COVID na sinasabing mas  mataas pa sa mga naging bilang noong nakaraang taon sa kasagsagan ng total lockdown sa Luzon.

Ang nakakaalarma pa nga rito, inihayag ng DOH na kalat na sa lahat ng lungsod sa Metro Manila ang UK at South African variants na sinasabing mas mabilis makahawa at mas nakamamatay.

Ito  rin ang sinasabing dahilan kung bakit bigla ang pag-alagwa ng bagong COVID cases.

Matindi ang ginagawang paghihigpit, pero kung susumahin, marami pa rin hanggang sa ngayon ang hindi nasusubaybayan nang pagsita o pagsaway.

Nandyan pa rin nagkalat sa maraming lansangan sa Metro Manila ang mga palaboy na pasaway.

Kung saan-saan lugar makikitang nakakalat ang mga ito. Hindi lang basta nakakalat, sila pa mismo ang numero uno na pasaway sa pinaiiral na protocols.

Umpukan ang mga kolokoy, parang di takot sa virus.

Sangkaterba ‘yan sa panulukan ng Lacson at España sa Maynila, na kung bakit hindi rin nakikita ng mga awtoridad  at ng mga opisyal ng barangay.

Maraming nalalabag ang mga ito, karamihan menor de edad na bawal lumabas, kahit curfew nasa lansangan at nagkalat, walang suot na face mask, face shield , abay talagang mga pasaway.

Dito na marahil dapat ding kumilos ang DSWD at tumulong sa pagsawata sa mga pasaway na ito.

Dahil sa lalong tumitindi ang kaso ng COVID, dapat na kamay na bakal na ang gamitin sa mga ayaw sumunod sa protocols.

Sana kung sila lang ang tatamaan, ang masaklap sila pa ang pinagmumulan at nandadamay.

Show comments