Adobo

ANG aking kakilala ay pumasok na domestic helper sa Saudi noong 90’s. Unang araw pa lamang ay kinakitaan na ng kasungitan ang kanyang mga among Arabo. Totoong mababa ang tingin nila sa mga Pinoy.

Dalawa silang katulong na Pinay. Siya ang cook at ang kasama niya ang tagalinis ng bahay. Palibhasa ay kagagaling pa lang sa Pilipinas, siya ay may baong tuyo. Alam nilang nababahuan sa tuyo ang mga amo kaya kapag wala ang mga ito sa bahay ay saka lang sila nagpiprito.

Minsan, napaaga ang uwi ng mga amo kaya amoy na amoy pa rin ang aroma ng piniritong tuyo. Pinagalitan sila ng amo dahil bad smell daw ang Pilipino food.

Minsan ay nag-adobo siya ng manok. Wala noon ang kanyang mga amo. Mga anak lang nito na edad 10 at 12 ang naiwan. Niluluto pa lang ang adobo ay sarap na sarap na sa amoy ang dalawang anak ng kanilang amo. Nang kumakain na ang dalawang katulong ay lumapit ang dalawang bata. Kung puwede raw tikman ang adobo.

Aba, nasarapan ang dalawang bata. Pagdating ng mga magulang ay inabutan nitong kumakain ng adobo ang dalawang bata. Nakitikim ang ama at ina. Biglang nagpabili ng manok at nagpaluto ng adobo.

Kumalat sa buong angkan ng kanilang amo ang kakaibang sarap ng chicken adobo kaya tuwing may party sa bahay ng amo ay hindi nawawala sa menu ang adobo. At kapag may party naman sa kamag-anak ng amo ay tinatawagan siya para magpaturo kung paano mag-adobo ng manok.

Ang siste nito, sinasabi nito sa mga amo na soy sauce lang made in the Philippines ang puwedeng gamitin sa adobo. Para raw matuto ang mga ito na bumili ng products made in the Philippines na available naman doon.

Simula noon, bumait sa kanila ang amo. At may bonus pa, hindi na sila pinakakain ng tirang pagkain. Tumaas kahit paano ang tingin sa kanila ng amo dahil sa adobo. Salamat adobo!

Show comments