^

Aral ng Sinovac at halimbawa ng Vietnam

USAP TAYO - Pastor Joey Umali (Pang-masa) - March 6, 2021 - 12:00am

SA wakas, nagsimula na tayo ng pagbabakuna laban sa coronavirus matapos dumating ang 600,000 doses ng Sinovac na gawa at donasyon ng China. Tayo ang kulelat sa pagbabakuna sa mga bansa ng ASEAN. Target ng gobyerno na mabakunahan ang 70 milyong Pilipino para magkaroon ng “herd immunity” na pipigil sa pagkalat ng sakit.

Para mangyari ito, mangangailangan tayo ng 140 million doses. Ang donasyon ng China ay 0.4 percent lamang ng ating pangangailangan. Ayon sa mga eksperto, mangangailangan ng dalawa hanggang tatlong taon bago mabakunahan ang 70 milyong Pilipino.

 Ang prayoridad sa babakunahan ay frontline health workers at senior citizens. Sa PGH, 94 percent ng mga sinurvey noong kalagitnaan ng Pebrero ay payag magpabakuna, ngunit nang malaman nila na ang ibabakuna ay Sinovac, 95 percent sa mga dating payag ay umayaw. Bakit nagbago ang kanilang desisyon? Sabi kasi ng Food and Drug Administration, sapagkat ang bisa ng Sinovac ay 50.4 percent lamang, hindi ito bagay sa mga doktor, narses at laboratory technicians. Dahil dito, gusto nilang hintayin ang bakuna ng Pfizer na ang bisa ay 95 percent.

Marami sa mga naunang binakunahan ay mga miyembro ng PNP at AFP, na walang karapatang tumanggi sa utos ng nakatataas.

May isa pang problema ang Sinovac — ang iba’t ibang presyo nito sa iba’t ibang bansa. Ayon sa mga ulat, ang presyo nito sa ibang bansa sa Asia ay P240 lamang, pero pagdating sa Pilipinas, ang presyo ay maaaring umabot hanggang P1,800. Sinasabi ni Presidente Duterte na kaibigan natin ang China. Nakatutuksong magtanong, ito ba ang presyong kaibigan?

 

Isa pa, dahil sa iba’t ibang at magkakalayong presyo, sino ang hindi makapag-iisip na may nanganganib na malawakang katiwalian sa pagbili ng bakuna? Wika nga ni Senator Panfilo Lacson, may bahid ito ng katiwalian. Totoong nakakatakot ang katiwaliang maaaring ibunga ng pagtugon ng Pilipinas sa COVID-19. Tinatayang ang gugugulin natin para labanan ang COVID-19 pandemic ay aabot ng trilyong piso na uutangin lamang natin. Magkano sa halagang iyan ang mauuwi sa katiwalian? Ayoko nang isipin, lalo na nga’t tila hindi naman nababawasan ang katiwalian sa gobyerno.  Maraming nagsasabing lumala pa nga.  

Mahirap umasa sa ibang bansa kapag ang nakataya ay ang mismong kaligtasan ng isang bansa. Kahanga-hanga ang Vietnam na isa lamang maliit at mahirap ding bansa na katulad natin. Ang Vietnam ay isa sa mga bansa sa Asia na may tunggalian sa China dahil sa pinag-aagawang teritoryo sa South China Sea. Hindi ito papayag na maimpluwensiyahan ng tinatawag na “Vaccine Diplomacy” ng China sa Southeast Asia at itigil na ang pagtutol sa ginagawa ng China na  pag-angkin ng mga teritoryo. Ang tapang! Pero ang tapang ng Vietnam ay hindi lamang sa pamamagitan ng salita.  Para makapanindigan ito bilang isang bansang may dangal, gumagawa ito ngayon ng sariling bakuna laban sa coronavirus.  Kahanga-hanga ang mga lider ng Vietnam!

Dapat tayong matuto sa aral ng Sinovac at sa halimbawa ng mga lider ng Vietnam. Hindi kailangang maging mayaman at makapangyarihan upang manindigan bilang isang bansang malaya at nagsasarili.  Ang kailangan lamang ay wagas na pag-ibig sa bansa.  Ang kailangan lamang ay tapang na nagmumula sa puso’t kaluluwa.

SINOVAC
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with