Institusyon ng kasal, nanganganib bumagsak

BUKAS ay Valentine’s Day, kaya gusto kong pag-usapan natin ang tungkol sa kasalan na naapektuhan din ng COVID-19 pandemic. Sa Catholic Church, ang kasal ay isang sakramento. Sa mga Protestant at Evangelical denominations, hindi nga sakramento ang kasal, ngunit ito’y itinuturing na isang sagradong gawain na ang Diyos mismo ang nagpasimula nang ikasal Niya sina Adan at Eba. Binigyang-dangal ni Hesus ang kasal, sapagkat ang kauna-unahang himalang ginawa Niya ay naganap sa isang kasalan nang gawin Niyang alak ang isang drum na tubig.

Dahil sa peligro ng COVID-19, may inihaing panukala sa Mababang Kapulungan na nagpapahintulot sa virtual wedding, kapalit ng physical wedding na itinatadhana sa Family Code.  Kapag nakapasa, puwede nang magpakasal sa pamamagitan ng video conferencing at hindi na kailangang pisikal na magkasama-sama ang mga ikinakasal at nagkakasal. Tinutulan kaagad ito ng ilang Obispong Katoliko sa pagsasabing ito’y peligroso at ibababa nito ang kasagraduhan ng kasalan.

May isa pang inihaing panukalang-batas na may kinalaman sa kasalan.  Ito’y ang pagkakaloob ng kapangyarihan sa mga kongresista na magkasal. Hindi kaya lalo naman itong peligroso at magbababa sa kasagraduhan ng kasalan? Kasama sa ritwal ng kasal ang pagtatagubilin sa mga ikinakasal na maging tapat sa isa’t isa. Paano kung ang magkakasal na kongresista ay kilala sa pagiging babaero?

Kapag nakapasa, at mas malamang na makapasa, sususugan nito ang itinatadhana sa Family Code kung sinu-sino ang binibigyang kapangyarihan na magkasal. Sa kasalukuyan, ang mga maaaring magkasal ay ang mga sumusunod:

1. Mga miyembro ng hukuman sa sakop ng kanilang jurisdiction.

2. Pari, rabbi, imam, ministro o pastor na awtorisado ng kanilang simbahan at lisensiyado sa civil registrar general.

3. Kapitan ng barko o piloto ng eroplano kapag ang isa sa ikakasal ay nasa bingit ng kamatayan sa panahon ng paglalakbay.

4. Military commander ng unit sa panahon ng military operation o kapag ang isa’y nasa bingit ng kamatayan.

5. Consul-general, consul, o vice-consul para sa mga Pilipinong nais magpakasal sa ibang bansa.

Tila sa limang nabanggit ay malayong “mapulitika” ang kasalan, pero kung idaragdag sa listahan ang mga kongresista, marami akong pag-aalinlangan.  Marami akong mga tanong kaysa mga sagot.

Ang kasal ay isa sa mga institusyon ng lipunan sa buong mundo na nanganganib na mawasak dulot ng makabagong kabihasnan. Noon, ang ikinakasal lamang ay lalaki at babae at ang kasal ay panghabambuhay bilang pag-alinsunod sa sinabi ni Hesus sa Marcos 10:6-9, “Subalit sa pasimula pa, nang likhain ng Diyos ang sanlibutan: nilalang niya silang lalaki at babae. Dahil dito’y iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina, at magsasama sila ng kanyang asawa, at sila’y magiging isa.  Kaya’t hindi na sila dalawa kundi isa. Ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.”

Ano ang nangyari? Niyakap ng mundo ang diborsiyo. Sa ngayon, Pilipinas na lamang ang hindi nagpapahintulot ng diborsiyo, pero may nakahain na ring panukalang-batas para rito. Sa ngayon, 29 na mga bansa ang nagpapahintulot ng same-sex marriage o kasal ng magkaparehong kasarian. Mayroon na ring panukalang-batas para rito.

Totoong nanganganib ang institusyon ng kasal maging dito sa atin na isang bansang Kristiyano dahil sa praktis at batas. Nawa’y maging mapanuri tayo at alamin kung ano ang kalooban ng Diyos!

Show comments