EDITORYAL - Ipasa ang Dept. of OFWs

HINDI pinapansin ng mga mambabatas ang panukalang batas na nagtatatag sa Department of OFWs. Inuupuan ito at binabalewala. Maraming batas silang pinapanukala pero ang para sa OFWs ay hindi nila binibigyang prayoridad. Para bang nalimutan na mga magagaling na mambabatas ang naitulong OFWs para makabangon ang hilahod na ekonomiya ng bansa. Maaga silang nakalimot sa ginawa ng mga “bagong bayani”.

Kamakailan lang, mariing sinabi ni Sen. Franklin Drilon na huwag na munang pagtuunan ng pansin ang Department of OFWs at unahin muna ang may kaugnayan sa pandemya. Ayon pa kay Drilon dapat maging prayoridad ang pagbili ng bakuna.

Tama naman na iprayoridad ang may kaugnayan sa bakuna pero itong batas para sa pagtatatag ng tanggapan ng OFWs ay matagal nang nakabinbin. Hindi ito dapat maisantabi. Ilang ulit nang nakiusap si President Duterte na ipasa na ito. Isa ito sa mga pinangako ng Presidente noong nangangampanya. Sinabi pa ng Presidente na kung mayroong DOFWs, matututukan ang kalagayan ng migrant workers at kanilang mga pamilya. Lalo na aniya sa panahon ng krisis.

Kahapon, sinertipikahang urgent ni Duterte ang bagong bersyon ng panukalang batas na inihain ni Sen. Bong Go na lilikha ng Department of Overseas Filipinos (DOFil). Nagpasalamat si Go sa Presidente Duterte sa pakikinig sa hiling ng overseas Filipinos at ng kanilang mga pamilya na sertipikahang urgent ang panukalang batas para sa mas mabilis at epektibong pagtugon ng gobyerno sa pangangailangan ng migrant workers. Hinimok ng senador ang mga kasamahan sa Senado na pakinggan ang panawagan ng Presidente naipasa ang panukalang batas.

Mahalaga ang pagkakaroon ng Department of OFWs para mapangalagaan ang migrant workers. Dahil walang sariling tanggapan ang OFWs, hindi nila malaman kung saan susuling kapag may kaguluhan sa bansang pinagtatrabahuhan. Kapag may pandemya gaya nang nararanasan sa kasalukuyan, walang matakbuhan ang mga OFWs. Litung-lito sila.

Kawawa ang kalagayan ng mga OFWs at dapat itong malaman ng mga mambabatas. Marami sa mga OFWs ang dumaranas ng pagkaapi, pang-aabuso at malagim na kamatayan sa kamay ng kanilang mga amo.

Kung may tanggapan ang OFWs, mayroon nang pupuntahan ang mga kababayang inabuso, minaltrato, at kung may krisis at pandemia. Huwag isantabi ang para sa mga “bagong bayani”. Dapat silang pahalagahan sa nagawa sa bansa.

Show comments