Paghiga sa kabaong, parusa sa mga pasaway na hindi nagsusuot ng face mask sa Indonesia

DAHIL sa dami ng mga pasaway na naghihintay mabigyan ng slot sa community service sa Pasar Rebo, Jakarta­ Indonesia, naisipan ni Budhy Novian, Public Order Agency Head na papiliin ang mga violators kung anong gusto nilang parusa sa hindi pagsusuot ng face mask, pumila nang mahaba para mabigyan ng slot community service o humiga sa kabaong at magnilay-nilay sa mali nilang nagawa.

Ayon sa Gubernational Regulation, ang hindi pagsusuot ng face mask sa mga pampublikong lugar sa Jakarta ay mamimili sa dalawang parusa, ang magbayad ng 250,000 Indonesian Rupiah (katumbas ng P850) o sumailalim sa isang oras na community service.

Pero dahil sa dami ng nahuhuli na hindi nagsusuot ng face mask, humaba ang pila ng mga paparusahan at nauubusan na sila ng mga gawain para sa mga sumasa­ilalim ng community service.

Kaya naisipan ng mga opisyal sa nasabing lugar na dagdagan ang pagpipilian na parusa: ang humiga sa kabaong sa loob ng 100 segundo.

Dahil dito, nagsunuran na rin ang mga karatig distrito at munisipalidad na pairalin ang ganitong klase ng parusa.

Show comments