Ang babae sa aparador (177)

LINGID kay Ziarah, nakita pala ng classmate niyang si Jing ang pagbaba niya sa kotse at pagbabay kay Jonas.

“Ang guwapo ng siyota mo at may kotse pa. Ikaw ha, tatahi-tahimik ka pero may itinatago pala.’’

Tipid na ngumiti si Ziarah.

Sabay silang pumasok sa gate ng unibersidad.

“Anong name ng siyota  mo Ziarah?’’

“Jonas.’’

“Mukhang matalino at mabait siya, Ziarah.’’

Tumango si Ziarah.

“Saan mo siya  nakilala?’’

Hindi agad nakasagot si Ziarah. Hindi niya napaghandaan ang ganuong tanong. Alangan namang sabihin niya na “amo” niya si Jonas.

Pero mabilis din siyang nakapag-isip.

“Kaibigan siya  ng pinsan ko. Ipinakilala sa akin.’’

“Ang suwerte mo, Ziarah.’’

“Salamat, Jing. Siyanga pala kumusta si Joshua? Nakadalaw ka ba sa rehab?’’

‘‘Oo, Ziarah. Kahapon galing ako sa Tagaytay.’’

‘‘Kumusta si Josh?’’

‘‘May improvement na. Sabi ng rehab doctor, malaki ang pag-asa ni Josh.’’

‘‘Nakausap mo si Josh, Jing?’’

‘‘Hindi. Natanaw ko lang. Sabi ng doctor, saka na lang magpakita ang visitor kapag nasa mabuti nang kalagayan ang pasyente.’’

‘‘Talagang nagpursigi kang makita si Josh, Jing.’’

“Oo, Ziarah. Kahit hindi niya ako pansin, at least, naipakita ko na may concern ako sa kanya.’’

Humanga si Ziarah kay Jing.

Malaki talaga ang pagmamahal nito kay Josh.

‘‘Siguro sa darating na panahon mapapansin din niya ako. Malakas ang kutob ko Ziarah.’’

‘‘Basta isipin mo na ganun ang mangyayari, yun ang mangyayari, Jing.’’

(Itutuloy)

Show comments