Sapatos at pintuan

ISANG matalino at mayamang  binata ang naglakbay sa liblib na baryo upang makita at makadaupang palad ang sikat na “sage”. Ang “sage” ay isang respetadong tao na tinitingala ng publiko dahil sa kanyang katalinuhan, judgement, wisdom at malawak na karanasan sa buhay. Idolo ng binata ang sikat na sage. Nais niyang mag-aplay na maging disipulo nito upang matutuhan ang mga aral na itinuturo nito.

Ang binata ay hindi sanay sa hirap kaya’t “big deal” sa kanya ang pagod na naranasan sa mahaba niyang paglalakbay patungo sa liblib na baryo kung saan naninirahan ang sage.

Pagkaraan ng ilang araw na paglalakbay, nakarating din ang binata sa harapan ng bahay ng sage. Sa sobrang pagod, sumakit ang kanyang paa kaya ibinato niya sa sahig ang kanyang sapatos. Nang tawagin siya ng sage para pumasok sa silid nito, padabog nitong binuksan ang pinto kaya kumalabog ito.

“Magandang araw po sa inyo,” ang bati ng binata sa kanyang idolo.

Nakakunot ang noo ng sage, halatang hindi natuwa sa inugali ng binata.

“Bago kita tanggapin bilang aking bisita, humingi ka muna ng tawad sa iyong sapatos na ibinalibag mo at sa pintuan na itinulak mo nang walang pag-iingat.”

Ang karakter ng  isang tao ay nakikita kung paano niya ibinabaling ang kanyang init ng ulo sa isang bagay.

Maaaring katawa-tawa ang paghingi ng tawad sa isang bagay na walang buhay ngunit nakakatulong din ito para makapag-isip-isip ang isang tao tungkol sa kanyang pag-uugali.

Show comments