Ang babae sa aparador (127)
PATULOY na naghintay si Ziarah kay Jonas. Hindi rin naman siya makakatulog dahil sa pag-aalala kay Jonas kaya hihintayin na lang niya. Ipinagpatuloy niya ang pagbabasa ng libro tungkol sa computer parts. Mayroon silang exam bukas. Kailangang ma-perfect niya ang exam bukas para patuloy siyang kabilang sa top sa klase.
Habang nagbabasa, sumisingit ang alalahanin kay Ziarah na baka may masamang nangyayari kay Jonas. Baka may kaugnayan sa lagi niyang kausap sa cell phone.
Baka ang kausap ni Jonas ay ang lalaking kasama ni Kat noon at bumugbog sa kanya.
Baka hinamon na ni Jonas ng mano-mano.
Palibhasa’y ensayado na sa taekwondo.
Baka sa kagustuhang makaganti ay ito na ang naghamon para matapos na ang lahat. Masakit din para sa lalaki na mabugbog ng kapwa lalaki. Siguro’y hindi matanggap ni Jonas ang nangyaring pagkabugbog kaya ngayon na niya gustong gumanti.
Pero paano kung matalo pa rin si Jonas at maulit ang nangyari?
Napahinga nang malalim si Ziarah.
Sinundan pa ng isang malalim na paghinga.
Saka napausal ng dala-ngin. Iligtas mo po Diyos ko si Jonas.
Eksaktong alas diyes ng gabi, nakarinig ng ugong ng makina ng kotse si Ziarah.
Nang silipin niya sa bintana, si Jonas na!
Nakahinga nang maluwag si Ziarah.
Sinilip niyang mabuti, maayos naman itong bumaba sa kotse. Kung ito ay nabugbog, baka iika-ika. Walang palatandaan na nakipag-away ito nakipag-rambulan.
Pinagbuksan niya ito ng pinto.
“O gising ka pa, Ziarah!’’
“Nagrebyu ako Kuya. May exam kami bukas.’’
“A ganun ba?’’
“Kakain ka Kuya?’’
“Ano ba ang ulam natin, Ziarah?’’
“Sinigang na baboy Kuya.’’
“Sige. Mainit ba ang sabaw?’’
“Ipaiinit ko Kuya. Saglit lang yun.’’
“Sige magpapalit lang ako ng damit.’’
‘‘Huwag kang matutulog Kuya, he-he-he !’’
“Hindi. Gutom ako. Mahirap ma-tulog nang gutom.’’
(Itutuloy)
- Latest















