Ang babae sa aparador (103)

MAYA-MAYA ay papa­rating na ang ambulansiya ng restaurant. Kumpleto sa medics at kagamitan sa loob.

Inalalayan ni Ziarah si Jonas sa pagkakalupagi sa semento. Napansin niyang nangingitim na ang pasa sa pisngi ni Jonas. Nakangiwi si Jonas dahil iniinda marahil ang masakit na tadyang. Iyon ang bahaging tinamaan ng sipa ng lalaking kasama ni Kat. Mukhang UFC fighter yata ang walanghiya!

Pero kung galit na galit siya sa lalaking bumugbog kay Jonas, mas galit siya kay Kat. Hayup na babaing yun na natiis na tingnan lamang si Jonas habang binubugbog ng kasamag lalaki. Napa-kawalanghiyang babae!

“Mam, pakiraan po at bubuhatin namin si Sir para isakay sa ambulance,” sabi ng medic.

Tumayo si Ziarah pero nagbilin sa medic.

“Dahan-dahanin mo po ang pagbuhat kay Kuya. Masakit po ang tadyang niya.’’

“Opo kami po ang bahala sa kanya Mam.’’

Pero bago tuluyang lumayo si Ziarah kay Jonas ay sinabihan pa niya ito.

“Kuya, kaunting tiis na lang at nasa ospital ka na.’’

Hindi nagsasalita si Jonas. Halatang may dinaramdam na sakit. Tinitiis ang sakit.

Binuhat at ini­lagay sa isang kamang de-gulong si Jonas.

Dinala sa ambulansiya.

Nakatingin si Ziarah na habag na habag pa rin sa kalagayan ni Jonas.

‘‘Mam samahan mo na si Sir sa loob ng ambulance. Ikaw na rin po magsabi sa medics kung saang ospital dadalhin si Sir,’’ sabi ng guard.

‘‘Salamat Sir.’’

‘‘’Yung kotse po ninyo ay safe naman dito. Balikan n’yo na lang kapag okey na si Sir. Nasa akin din po ang number ng plaka ng kotse nung lalaking nambugbog kay Sir.’’

“Salamat Sir,” sabi ni Ziarah at nagmamadaling nagtungo sa ambulansiya at sumakay.

Nasa tabi siya ni Jonas. Nasa dulo sa gawing paanan ni Jonas ang isa sa medic.

Tinanong ng medic kung saang ospital dadalhin ang pasyente.

Binalingan ni Ziarah si Jonas at tinanong.

Sinabi ni Jonas na halos pabulong.

Sinabi iyon ni Jonas sa medic.

Umalis na sila. Pinatunog ang wangwang.

Wala pang sampung minuto ay nasa malaking ospital na sila sa Makati. Dinala sa emergency si Jonas.

Hindi humihiwalay si Ziarah kay Jonas. Gusto niyang malaman ang kalagayan ni Jonas.

Hindi siya mapalagay sa nangyari. At sinisisi niya si Kat – ang walanghiyang babae na nagpasakit sa damdamin ni Jonas. (Itutuloy)

Show comments