EDITORYAL - May ceasefire pero nagtraidor ang NPA

TRAIDOR ang New People’s Army (NPA). Patuloy silang sumasalakay kahit mayroong dineklarang tigil-putukan. Hindi makatao ang kanilang ginagawa na kahit may pandemic crisis na pinagdadaanan ang bansa ay patuloy silang pumapatay ng sundalo. Hindi na iginalang ang ceasefire at nilulusob ang mga sundalo ng gobyerno na nagsasagawa ng community works at tumutulong para hindi kumalat ang COVID-19. Hindi na dapat maniwala sa mga teroristang grupo. Hindi sila dapat bigyan ng pagkakataon sapagkat katraiduran ang kanilang ipinakikita.

Noong Sabado, sinalakay ng NPA ang mga sundalong nagsasagawa ng community works sa Bgy. Puray, Rodriguez, Rizal at pinaulanan ng bala. Gumanti ang mga sundalo na nabigla sa pangyayari sapagkat alam nilang mayroong ceasefire na nagsi­mula pa noong Marso 26 at matatapos sa Abril 15. Isang sundalo ang napatay at may mga nasugatan dahil­ sa pagsalakay. ayon sa report, tumutulong ang mga sundalo sa pagpapatupad ng Enhanced Commu­nity Quarantine (ECQ) nang salakayin ng mga tero­rista.

Hindi ito ang unang pagkakataon na sumalakay ang NPA kahit may ceasefire. Noong Disyembre 2017, inambus ng NPA ang convoy ng pulis at dalawa ang namatay kabilang ang isang sanggol. Dahil sa pang­yayari, iniisyu ni Duterte ang Proclamation No. 374 na nagdedeklara sa Communist Party of the Philippines (CPP) at sa NPA na teroristang grupo ang mga ito. Sabi pa ng Presidente makaraang lagdaan ang proklamasyon, wala nang naniniwala sa sinasabi ng NPA na sila ay kakampi at tagapagtanggol ng mga maliliit sa lipunan.

Sa traidor na pagsalakay ng NPA sa mga sundalo sa Bgy. Puray, hindi na sila dapat pagtiwalaan. Huwag nang maniwala sa ceasefire sapagkat hindi nila sinusunod. Balewala ang pagdedeklara nito.

Hindi na rin naman dapat umasta pa ang gob­yerno na makipag-peace talk kay Communist Party of the Philippines (CPP) chairman Jose Maria Sison. Hindi na dapat isulong pa ang peace talk sapagkat isang pagsasayang lamang ng panahon ang pakikipag-usap sa mga traidor. Huwag nang mag-usap at sa halip tapatan na lamang sila ng bala lalo sinasabi naman ng gobyerno na kakaunti na lamang ang mga miyembro ng komunista sa bansa.

Show comments