EDITORYAL – Bagong banta ng PNP sa jueteng

NOONG Linggo, inatasan ni PNP chief General Archie Gamboa ang lahat ng police regional directors na hulihin ang mga nag-ooperate ng jueteng. At ang matindi, isang linggo lang ibinigay ng PNP sa police officials para itigil ang jueteng. Ang mga official na hindi makakasunod sa direktiba ay masisibak sa kanyang kasalukuyang puwesto o malalagay sa floating status at hindi mabi­bigyan ng assignments.

Maganda ang direktibang ito kung maipatutupad at hindi ningas-kugon gaya ng mga nakaraan. Hindi lamang si Gamboa ang PNP chief na nagpatupad nang paghihigpit sa jueteng. Halos lahat nang naging PNP chief ay nangako na wawakasan ang jueteng na daan-taon nang nasa komunidad ng mga mahihirap. Pero walang nangyari. Kung itong kautusan ng bagong PNP chief laban sa jueteng ay magkakaroon ng katotohanan, maaaring siya ang kauna-unahang PNP chief na sasaluduhan ng mamamayan dahil sinira ang record ng illegal na sugal.

Maraming umaasa na mananalo sa jueteng kaya kahit ang pambili ng isang kilong bigas at ilang piraso ng tuyo ay sinasapalaran pa rito. Pero lagi silang talo dahil may daya. Ang laging nananalo ay ang bangka.

Dalawang taon na ang nakararaan, sinabi ni Presi­dent Duterte na wawasakin ang illegal gambling sa bansa at kabilang dito ang jueteng. Isang task force on illegal gambling ang kanyang nilikha para i-overhaul ang small-town lottery (STL) na nagiging front ng jueteng, masiao, two balls at iba pang illegal na sugal sa bansa. Inisyu pa ni Duterte ang Executive Order No. 13 na nagbubuwag sa lahat ng illegal gambling kasama ang jueteng. Inatasan niya si dating­ PNP chief Director General Ronald “Bato” de la Rosa at iba pang law enforcement agencies na arestuhin ang mga nagmi-maintain ng illegal gambling kabilang ang jueteng. Sabi ni “Bato”, anim na buwan lang at buwag na ang illegal gambling. Pero walang nangyari sa EO 13. Nagretiro si Dela Rosa sa PNP at ngayon ay senador na pero ang illegal gambling kabilang ang jueteng ay namamayani pa rin.

Ngayon ay si General Gamboa naman ang nanga­ngako at isang linggo lang ang kanyang taning para mawasak ang jueteng. Sana totoo na ito at hindi bulaklak ng dila.

Show comments