Babae, nagpakasal sa nobyo kahit patay na at nasa morgue

MALAPIT nang magpakasal sina Michelle Tomas ng Oxford, England at Kevin Lavelle, 29, isang Irish, nang maganap ang karumal-dumal na pagpatay sa lalaki. Hindi makapaniwala si  Michelle na magiging maikli ang pagkikilala nila ni Kevin. At kung kailan pa malapit na silang ikasal saka nangyari iyon.

Pauwi na si Kevin sa kanyang lodging house sa Banbury, Oxfordshire ng gabing iyon galing sa pagtatrabaho. Nag-overtime siya para madagdagan ang perang ipon para sa nalalapit nilang kasal ni Michelle. Wala siyang kamalay-malay na sa kanyang dadaanan ay nag-aabang ang isang grupo ng mga kalalakihan na armado ng iron bar. Sinugod siya ng mga ito at pinagpapalo hanggang sa mamatay.

Dead on arrival sa Oxford’s John Radcliffe Hospital si Kevin. Nang mabalitaan ni Michelle ang pangyayari ay agad siyang sumugod sa ospital subalit sa morgue na niya nakita ang minamahal na nobyo.

Isang pasya ang ginawa ni Michelle. Magpapa-kasal siya kahit patay na ang nobyo. Matutuloy ang kanilang plano.

Isang paring Katoliko ang nagsagawa ng seremonyas ng kasal. Habang nasa kabaong si Kevin at sa harap ng mga kamag-anak ni Michelle at ng lalaki, ginawa ang sagradong matrimony. Nang tanungin ng pari si Michelle kung tinatanggap niyang “lawful wedded husband” si Kevin, sumagot siya ng “I do.”

Ang ama ni Kevin ang nagsuot ng singsing para  kay Michelle. Isinuot naman ni Michelle ang singsing kay Kevin habang ito ay nasa kabaong.

Show comments