Ang kuripot

ISANG malungkot na tawag ang aking natanggap—namatay na ang isang malapit na kamag-anak. Ibinalita ko ito sa aking mga kapatid at ina.

Kapag ganoon ang sitwasyon, may instruction kaagad sa akin ang aking ina—mag-withdraw ako sa kanyang ­savings account para iabuloy sa namatayan. Ako ang kanyang ingat-yaman.

Noong araw na “purdoy” (poor) pa ang aking ina, “kuripot” ang lihim na tawag sa kanya ng namatay na kamag-anak. Hindi alam ng mga ito, ay nagtitipid lang ang aking ina dahil kakaunti lang ang pera namin.

Ngayong may sapat nang pera si Nanay, sasabihin kong galante siya kung mag-abuloy sa mga kamag-anak na namatay.

Minsan ay hindi ako nakatiis at sinasabi kong sobrang laki naman yata ang abuloy niya. Sasagutin lang niya ako ng — “Mabuti nang ikaw ang mag-abuloy, kaysa ikaw ang abuluyan.”

Isa pa, may paniwala si Nanay na mas lalong lumalapit ang grasya kapag palabigay sa kapwa lalo na sa pag-aabuloy sa patay.

Nang iabot ko ang abuloy naming mag-iina sa anak ng namatayan ay hindi ko maiwasang sumulyap sa kamag-anak na nasa loob ng ataul at magsalita sa isipan: “O, hayan, wala ka nang masasabi, hindi ka namin pinagkuriputan, ha?”

Show comments