Utol (174)

NAUPO sa ilalim ng punong banaba sina Xander at Anna. Masarap ang dampi ng hangin sa kanilang mukha.

“Gusto kong dito na manirahan, Xander. Pakiramdam ko masarap at ma-tiwasay mamuhay dito.’’

“Salamat naman at nagugustuhan mo rito Anna.’’
“Balak ko, pagkakasal natin, magreretiro na ako sa banko. Mahigit 30 taon na ako sa bankong iyon. Ma-laki na ang serbisyo ko.’’

“Ang tagal mo na pala roon, Anna.’’

“Oo. Pagka-graduate ko kasi, natanggap agad ako bilang teller. Hanggang sa ma-promote ako nang ma-promote at naging branch manager.’’

“Mabuti at walang nanligaw sa’yong kasamahan dun.”

“May mga nagpaparinig pero sarado ang puso ko. Tanging sa isang lalaki lang talaga tumibok at wala nang iba.’’

“Sino ang lalaking yun?’’

“Hindi ko sasa­bihin. Basta, ang lalaking ‘yun ay walang makakatulad at makakapalit. Mahilig siyang magsorpresa.’’

“Parang kilala ko na ang lalaking yun!’’

“Sino?’’

“Ako ba yun?’’

“Ikaw nga, Xander, ha-ha-ha!’’

“Ang galing kong manghula, ha-ha-ha!’’

Kinurot ni Anna sa tagiliran si Xander at lalo pang lumakas ang kanilang tawanan. Hanggang yakapin ni Xander si Anna at inihiga niya ito sa damuhan. Hinalikan sa labi. Unang halik sa labi na naranasan ni Anna. Ganundin naman si Xander, unang pagkakataon na nakahalik siya.

“Mahal na mahal kita, Anna!’’

“Mahal na mahal din kita Xander!’’

(Itutuloy)

Show comments