EDITORYAL - Lusaw na ang Road Board

PASADO na sa House of Representatives ang panukalang batas na magbubuwag sa maanomalyang Road Board. Noong Lunes, 180 sa 292 na mambabatas ang bumoto sa House Bill 7436 para sa pagbubuwag sa Road Board at inaasahang sa lalong madaling panahon ay lusaw na ang ahensiyang kinasasadlakan ng pondo na kinokolekta sa motor vehicle user’s charge (MVUC).

Binabayaran ito ng motorista taun-taon kapag nagre-renew ng kanilang sasakyan. Umali­ngasaw ang corruption sa Road Board at nasinghot ito ni President Duterte kaya inatasan ang House na buwagin na ito. Pati ang Senado ay mabilis na kumilos para mabuwag ang ahensiya na nakalikom na umano ng P50 bilyon mula sa MVUC.

Sa bagong batas, ang pondo na makukuha sa MVUC ay ire-remit sa National Treasury sa ilalim ng special account sa General Fund. Ang pondo ay eksklusibong gagamitin lamang sa pagpapagawa, pagre-repair, pag-a-upgrade at pag-rehabilitate ng mga kalsada, tulay at drainage system. Makakasama ang pondo sa taunang General Appropriations Act.

Hindi nagagamit nang maayos ang pondo sa ilalim ng Road Board kaya minabuti mismo ng Presidente na lusawin na ito. Naamoy niya ang korapsiyon sa ahensiya kaya walang sinayang na panahon. Noon pa, marami nang nababalita sa ahensiyang ito pero walang maglakas ng loob para halukayin ang katotohanan sa nalilikom na pondo na galing pa naman sa motorista.

Maraming motorista na rin ang nagtatanong kung bakit sa kabila nang taun-taon na pagbabayad ng MVUC ay pawang sira-sira pa rin ang mga kalsada at may mga tulay na halos ay hindi madaanan. Nasaan na ang kanilang ibinayad? Bukod sa mga sira-sirang kalsada, marami rin ang walang sapat na signages o mga babala.

Mayroong mga gilid ng bundok na halos sira-sira o wala na ngang railings dahilan para mahulog ang mga pampasahero at pribadong sasakyan. Marami nang malalagim na pangyayari na ang pampasaherong bus ay nahuhulog sa bangin dahil sa kawalan ng bakal na harang.

Sa pagkakabuwag sa Road Board, inaasahang ang pondo ay maisasaayos at magagamit na nang tama para sa kapakanan hindi lamang ng mga motorista kundi ng mamamayan.

Show comments