Keyland Development, patay gutom ba kayo?

MAY mga kompanyang gagawin ang lahat kahit panloloko at panlilinlang ng kapwa, makabenta o kumita lang.

Etong inirereklamong Keyland Development Corporation, ayokong sabihing ganito sila pero mukang ganoon nga ang estilo.

Isang dating overseas Filipino worker (OFW) ang lumapit sa BITAG Action Center na gustong makuha ang refund na hinulog sa Keyland.

Taon 2016 nang sinubukan ng pobre na kumuha ng house loan sa Pag-IBIG ngunit hindi siya kuwalipikado dahil wala umanong permanenteng trabaho.

Ang siste, pinayuhan nitong Keyland ang kliyente na mag-in house financing na lang para makakuha ng condominium unit.

Kung ‘di ba naman kayo sandamakmak na eng-eng, hindi nga pumasa sa Pag-IBIG dahil walang trabaho, sa inyo pa kaya? Kapag hindi nakahulog ang pobre ng kanyang monthly amortization ay saka n’yo ipo-porfeit ang kanyang downpayment ano?

Dahil sa mabulaklak na salita ng inyong ahente, kahit may pag-aalinlangan ay itinuloy pa rin ng kliyente ang pagkuha ng condo. Umabot ng P339,000 ang naibayad ng pobre pero hanggang ngayon, walang nangyayari.

Setyembre ngayong taon, nag-desisyon siyang i-refund na lamang ang naihulog ngunit pinababalik-balik na lamang siya at parang wala na yatang balak isauli ng developer ang perang pinaghirapan ng nagrereklamo.

Keyland Development Corp., hindi namin ugaling manira ng negosyo pero pag ang negosyo n’yo ay promoter sa mga taong nilalagay sa ala nganin kahit nagdadalawang isip, kahit hindi tama, hahambalusin ko kayo!

Kaya para sa agarang aksyon, inilapit ko ang sumbong na ito kay Atty. Batas upang ideretso ito sa HLURB.

Naiintindihan n’yo ba ang ibig sabihin ng unsound business practice?

Huwag n’yong taguan itong pobre na parang “take the money and run” ang estilo niyo. Tututukan ng Bitag Kilos Pronto ang kasong ito.

Show comments