‘One strike policy’ sa PNP, pinaigting

Ayan na nga, ipapatupad na ng pamunuan ng PNP ang ‘one strike policy’ sa mga chief of police at unit commanders na ang kanilang mga tauhan ay masasangkot sa matitinding katiwalian.

Ika nga, ‘tauhan mo, bantayan at tutukan mo’, na kung hindi posisyon mo ang nakasalalay sa kalokohan ng mga ito.

Sibak agad sa puwesto, yan ang babala ni PNP chief Director General Oscar Albayalde, wala na raw second chance.

Katwiran ng PNP chief matagal na nila itong tinagubilin, nakapag-isyu na rin ng memorandum ukol dito, pero mistulang marami pa ring pulis ang nadadawit sa matitinding katiwalian. Ibig lang daw sabihin nito, hindi raw nasu-supervise nang husto.

Sa nakalipas kasing mga araw, nadawit na naman sa matitinding kontrobersiya ang pulisya.

May mga bagong salita na naman na ikinabit tulad ng ‘palit-puri’.

Ito’y matapos ngang ireklamo nang panghahalay ang isang pulis-Maynila ng isang 15-anyos na dalagita kapalit ng kalayaan ng kanyang mga magulang na dinakip ng pulis dahil sa droga.

Meron pa yung dalawang pulis - na nanghalay din ng isang bebot na hinuli naman sa pagsusugal.

Dalawang QC cops ang inakusahan nang panghahalay ng isang babaeng hinuli nila sa illegal gambling.

Meron pang pulis sa probinsiya hinalay din ang kapwa niya parak.

Ano nangyare?

Sa tala PNP Internal Affairs Service, aabot sa 43 kaso ang nasampahan ng kasong administratibo at iniimbestigahan na sa kasalukuyan.

Kaya nga bilang babala sa mga hepe at unit commanders, subaybayang maigi ang mga tauhan nang ‘di madamay.

Show comments