Utol (14)

NAGKUWENTO na si Nanay Luisa kung paano nagkaroon ng relasyon ang maid na si Catalina at si Sir Jaime na papa ni Gerald.

“Madalas ngang maospital ang mama mo noon, Gerald. Masasakitin si Mam Sofia. Sa pagkakaalam ko’y hindi ka pa ipinagbubuntis ay madalas na siyang maospital. Dahil laging nasa ospital si Mam Sofia, kadalasang ay ako at si Sir Jaime ang nagbabantay sa iyong mama. Si Catalina ang laging naiiwan dito at naghahanda ng pagkain, naglalaba at naglilinis ng bahay. Mga beinte anyos si Catalina ng mga panahong yun. Napakaganda niya. Sariwang-sariwa.

‘‘Madalas ay umuuwi si Sir Jaime dito sa bahay para magpalit ng damit. May pagkakataon na may dinadaluhan kasi siyang meeting kaya kailangan ay maayos ang suot. Si Catalina ang nag-aayos ng mga damit. Masipag naman si Catalina at lahat nang iutos ay sinusunod.

“Kapag umuuwi rito si Sir Jaime ay pinagsisilbihan ni Ca­talina. Maalagang-ma­alaga si Catalina sa iyong papa.

“Minsan naiku­wento sa akin ni Catalina na sobra raw ang bait ng iyong papa. Napakabait daw. Lagi raw siyang tinatanong kung nakakain na. Minsan pa raw ay sinabi ni Sir Jaime kay Catalina na huwag magpapalipas ng gutom. Kumain sa tamang oras.

‘‘Kaya naman daw sa sobrang bait ni Sir Jaime ay talagang pinagsisilbihan niya ito nang buong puso. Kahit daw anong ipagawa ni Sir Jaime ay gagawin niya.

‘‘Minsan, kuwento ni Catalina sa akin, siya lamang ang narito sa mansion sapagkat nasa ospital si Mam Sofia at ako ang nagbabantay, bigla raw umuwi si Sir Jaime na lasing. Basang-basa pa raw ito dahil inabot nang malakas na ulan.

‘‘Hindi raw makagulapay si Sir Jaime sa kala-singan. Kailangan daw niya itong alalayan para makara-ting sa loob. Iniakbay daw niya ang kanang kamay nito sa kanyang balikat para hindi matumba.

“Hirap na hirap daw siya bago naipasok sa loob at naihiga sa sopa. Kailangang palitan niya ng damit dahil basang-basa. Sa labas daw ay walang tigil ang buhos ng ulan...’’ (Itutuloy)

Show comments