Matandang Tinali (189)

PINAG-ARALAN ni Dragon ang sketch na dala. Ayon sa sketch, hindi kalayuan sa kubo ni Joy ang kubo naman ng nobyo nito na nagngangalang Dong. Si Dolfo mismo ang gumawa ng sketch na pinrisinta kay Joemari. Nakasaad sa sketch ang kubo ni Dong.

Mabilis na sinundan ni Dragon ang nakasaad sa sketch. Muli siyang tumawid sa sapa. Sinundan niya ang bakas ng daan. Malinis ang daan na halatang ginagamit ng mga tao.

Ilang minuto pa at natanaw na niya ang kubo ni Dong. Napangiti si Dragon. Kung makikita niya rito si Dong, malas lang niya dahil mas mauuna pa siya kay Joy at Dolfo. Sabi   ni Bossing Joemari, unahing iligpit si Dong para makaganti siya. Maraming kahihiyan umano ang nalasap niya kay Dong dahil sa pakikialam nito.

Pinalagutok ni Dragon ang mga buto sa daliri. Dudurugin niya si Dong gaya ng utos ni Joemari.

Dahan-dahan siyang naglakad papalapit sa kubo. Mai-ngat na maingat siya at baka mayroon na namang patibong na hukay.

Wala siyang nakitang patibong.

Pinagmasdan niya ang kubo. Nakiramdam siya. Wala siyang naririnig. Tahimik na tahimik.

Ipinasya niyang akyatin na ang kubo. Walang kandado ang pinto kaya madali siyang nakapasok.

Pero ganun na lamang ang pagkadismaya niya dahil walang tao sa loob. Hinalughog niya. Wala talaga.

Hanggang sa maisip niya na maaaring alam na nina Dong, Joy at Dolfo ang mga mangyayari kaya inabandona na ang bahay.

Lalong nagngitngit si Dragon kay Dolfo. Uunahin niyang patayin si Dolfo!

(Itutuloy)

Show comments