Lalaki sa China, pinahanginan ang 12 gulong sa pamamagitan ng ilong

ISANG lalaki mula sa China ang nakapagtala ng bagong world record matapos na magawa niyang mahanginan ang isang dosenang gulong ng kotse sa pamamagitan lamang ng pag-ihip sa mga ito gamit ang kanyang ilong.

Mas nakamamangha pa ang 43-anyos na si Tang Feihu dahil nagawa niya ang lahat ng ito sa loob lamang ng dalawa at kalahating minuto. Ginawa ni Feihu ang pagpapakitang gilas sa ginanap na Nanjing Grand Canyon competition na idinaos nito lamang nakaraang linggo.

Matagal nang nagpe-perform si Tang sa iba’t ibang mga pagtitipon bilang pandagdag sa kinikita ng kanyang pamilya na nabubuhay lang sa pagsasaka.

Dalawang taon na simula nang matutunan ni Tang ang pag-ihip sa mga gulong gamit ang kanyang ilong sa pamamagitan ng panonood ng mga videos sa Internet. Mabilis niyang natutunan ito dahil na rin sa kaalaman niya sa martial arts na nagturo sa kanya ng tamang pagkontrol sa kanyang paghinga.

Simula noon, nasa 20 beses na niyang naipapamalas sa pub­liko ang kanyang kakayahan sa pag-ihip ng mga gulong gamit ang kanyang ilong.

Kaya naman naisipan ni Tang na mag-sumite ng aplikasyon sa Guinness World Records upang kilalanin nito ang kanyang kakaibang talento. Kaagad naman itong gina­wa ng Guin­ness lalo na’t nagawa niyang doblehin ang dating world record na anim na gulong na nahipan gamit lang ang ilong.

Show comments