Lalaki sa Sydney, milyong dolyar ang naiuwi matapos manalo ng 2 beses sa lotto sa loob ng isang linggo

ISANG lalaki sa Sydney ang nagawang pahabain ng isang linggo ang kanyang masuwerteng araw matapos siyang manalo ng dalawang beses sa lotto at mag-uwi ng halos 2.5 milyong Australian dollars (katumbas ng P99 million).

Panalo ang hindi na kinilalang residente ng Bondi, Sydney ng AUS $1,020,487.00 sa draw noong Lunes ng nakaraang linggo.

Dahil nararamdaman pa rin daw niya  ang su-werte ay tumaya muli ang lalaki sa kaparehong laro ng lotto gamit ang ilan sa kanyang mga napanalunan.

Hindi naman siya nagkamali sa kanyang kutob dahil nito lamang nakaraang Sabado ay tinamaan na naman niya ang jackpot na nagkakahalaga ng AUS $1,457,834.33 dahilan upang makapag-uwi siya ng kabuuang halaga na AUS $2,478,321.33.

Ayon sa lalaki, na nasa 40 pataas na ang edad, ay hindi niya basta-basta gagastusin ang kanyang napanalunan. Palalaguin daw niya ang matitira sa gagastusin niya para sa pangangailangan ng kanyang pamilya at matapos siyang bumili ng sasakyan.

Plano niyang bumili ng lupain sa Bondi at Gold Coast. Wala rin siyang plano tumigil sa pagtaya sa lotto dahil taimtim daw ang kanyang paniniwala na binabantayan siya palagi ng Panginoon.

Show comments