Nakakahawa ba ang cold sores sa labi?

MARAMI ang natatakot kapag nagkaroon ng mga mamasong sugat sa labi. Noong mga bata pa tayo, maaaring nakaranas na tayong magkaroon ng blister o paltos sa ating mga labi. Masakit ito, nagtutubig, namumula, at namamaga. Konting galaw lang natin sa labi at talaga namang napakasakit! Maski magsalita at kumain ay nahihirapan tayo.

Tinatawag ding “fever blisters” ang mga cold sores. Dulot ito ng impeksyong dala ng herpes simplex virus (HSV). May dalawang klase ng herpes simplex virus. Yung Type 1 ay may kaugnayan sa cold sores na makikita sa labi. Yung Type 2 ay ‘yung may kaugnayan sa genital herpes. Ngunit saan man ito nakuha, simpleng sugat lamang sa labi o dala ng pakikipagtalik, magkapareho lamang ang ginagawang gamutan dito. Ang mahalaga ay mapalis agad ang cold sores na nagpapahirap sa atin at maiwasan ang pag-ulit pa nito sa hinaharap. 

May iba pang sintoma na maaaring kaugnay ng pananakit at pamamaga sa labi. Maaaring magkaroon ng pamamaga ng kulani, sinat o mababang lagnat, o basta hindi magandang pakiramdam.

Ang paglabas ng cold sore sa labi ay kadalasang dulot ng malamig na panahon, sikat ng araw, stress, o ilang pagbabago sa hormones kagaya ng kapag nireregla. Kung makokontrol ang mga factors na ito, posibleng malimitahan ang muling pagkakaroon ng atake ng cold sores. Pero mahirap makontrol ang stress at pagbabago sa hormona, tanging ang exposure natin sa matinding sikat ng araw ang puwede nating makontrol.  Dito’y puwedeng gamitin ang mga lip balm na wax-based na may SPF 15 (Sun Protective Factor 15).

Ilang araw bago pa man ang paglabas ng blisters, mapapansin ang pangangati o pag-iinit o kakaibang sensation sa dakong labi. Prodrome ang tawag dito. Kung sakaling mapansin na ang mga ganitong sintoma bago pa lumabas ang cold sore sa labi, maipapayong simulan na ang paggagamot dito para hindi na matuloy pa ang paglabas ng pagsusugat o pamamaso. Umaabot kasi ng halos tatlong linggo ang pagkakaroon ng cold sore simula sa paglabas ng blister hanggang sa manuyo at matanggal na ang langib.

Nakakahawa ba ang mga cold sores?

Kahit nandiyan na sa labi ang herpes simplex virus pero wala pang lumalabas na blisters, hindi ito nakahahawa. Pero kung lumabas na ang blister na nagtutubig at namumula, puwede nang makahawa ito hanggang ang ang blister ay matuyo.

Para hindi makawa habang may cold sores, dalasan ang paghuhugas ng kamay  lalo na kung madalas salatin ang parteng apektado. Iwasang humalik o makipaghalikan kung may kapartner na. Ibukod muna ang ginagamit na basong inuman o tasa habang may cold sore.

Iwasang salatin ang mata kung aksidenteng nahawakan ang cold sore. Puwede kasing maimpeksyon ng herpes simplex virus ang mata.

Ang tabletang may generic name na Acyclovir ay mabisang gamot sa cold sore na dapat inumin sa loob ng limang araw.   Magpa-check sa doktor kung nag-aalala sa nararamdaman.      

 

               

 

Show comments