EDITORYAL - LTO, tumulong sa pagwalis ng mga bulok na sasakyan
(Pang-masa) - January 17, 2018 - 12:00am

NARARAPAT tumulong ang Land Transportation Office (LTO) sa pagwalis sa mga kakarag-karag na sasakyan sa buong bansa. Kung tutuusin, sila ang may kasalanan kung bakit dumami ang mga bulok. Re­histro sila nang rehistro ng mga sasakyang kakarag-karag na nagpalubha sa trapik at air pollution. Paggrabe nang paggrabe ang trapik ngayon at maraming nasasayang na oras at pera. Ayon sa report, bilyong piso ang nasasayang araw-araw dahil sa trapik.

Ang mga bulok na jeepney ang pinagmumulan nang nakalasong usok at unti-unting pumapatay sa maraming Pinoy. Maraming sakit ang nakukuha sa maitim na usok ng mga sasakyan lalo sa jeepney at truck. Maoobserbahan sa umaga ang grabeng air pollution. Masyadong makapal ang usok sa umaga na maski ang araw ay hindi makatagos. Ang usok na ito ang nalalanghap ng mamamayan at nagdudulot ng mga sakit na nauuwi sa kamatayan.

Tumulong ang LTO sa Metro Manila Development Authority (MMDA) sa pagtanggal sa kalsada ng mga bulok na sasakyan. Huwag nang irehistro ang sa tingin nila ay bulok at kakarag-karag. Madali namang makilala kung bulok ang sasakyan lalo na ang jeepney. Nanlilimahid ang mga jeepney, walang ilaw sa harapan, pudpod ang mga gulong at walang preno.

Noong nakaraang linggo, ipinatupad na ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang “Tanggal Bulok, Tanggal Usok”. Maraming bulok na jeepney ang hinuli. Kahapon, pinagpatuloy ng MMDA ang kampanya para mawalis ang mga karag-karag na sasakyan.

Sana, hindi pakitang-tao lang ang ginagawa ng MMDA na pagwalis sa mga bulok na sasakyan. Itodo na ito para mabawasan ang trapik, air pollution at aksidente.

LAND TRANSPORTATION OFFICE
Philstar
Facebook
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with