‘Reklamo ng distressed OFWs, epekto lang ng problema
BITAG - Ben Tulfo (Pang-masa) - January 4, 2018 - 12:00am

MATAAS ang statistika ng mga overseas Filipino workers na may mga problema sa kanilang mga amo sa abroad. Matagal nang problema ito para sa ilan at sa gobyerno pero nais kong laliman natin ang paghimay sa matagal ng isyung ito.

Epekto na lang ng problema ang nakikita nating distressed OFWs na humihingi ng saklolo.

Noong nakaraang dekada pa – mga panahong bagu-bago pa ang BITAG – tadtad na kami ng mga sumbong mula sa mga OFW hindi lang sa Middle East kundi maging sa Asia.

Paulit-ulit na tanawin. Mangungutang ang Pilipino ng daang libo sa mga garapal na lending company. ‘Yung iba, sa mga lintik na 5-6 kakapit.

Ang mga gustong mangibang-bansa, susugal nang ‘di naiintindahan nang husto ang pinasok. Basta makapag-abroad lang, okay na.

Kibit-balikat na lang ding tatanggapin ang pangakong “trabahong-may-malaking-suweldo.” ‘Di alintana kung bogus o sindikato na ang kausap.

Kapag tinamaan ng malas, malalagay sa peligro ang buhay. Sa ibang bansa’y nakakulong, ‘di malaman kung saan hihingi ng tulong.

Ang promotor ng kahayupan sa lupa – siyempre, walang iba kundi ang mga dorobong recruitment agency kuno rito sa Pinas. Garapalang human trafficking ang ginagawa sa kapwa.

Kung anong kademonyohan ang ipapayo sa aplikante. Pagdating naman sa ibang bansa, alipin ang bagsak o kaya nama’y nganga.

May mga problema tulad ng sobra sa trabaho at kulang sa bayad. Parang wala ring silbi ang pinirmahan na kontrata sa Pinas, kung totoo man ang kontrata na ‘yun. Baka gawa-gawa lang ng mga ungas na bihasa sa Microsoft Word.

Mabuti kung ganoon lang ang mangyari. Paano kung manganib talaga ang buhay? ‘Pag hiningan naman ng tulong ang ahensiya, kailangan pang magmakaawa. Ni wala man lang pakiramdam o pakialam sa mga kababayang pinaalis.

Isang malaking karangalan pa na humingi ng tulong sa kanila, ngayong kargo de konsensiya nila ang bawa’t isang indibidwal na lumalabas sa bansa.

Paulit-ulit na ang problema. Sawa na may halong inis ang nararamdaman ng tao kung kaya sumisigaw na nang iisa ang boses: Itigil ang pagpapadala ng OFW sa ibang bansa, partikular sa Saudi kung saan napakaraming loko-lokong Arabo.

Nito lang, isyu ng pamemeke ng mga recruitment agency ang nakarating sa amin. S&D Manpower Services Inc., Lizsil International Manpower Agency, at LSJ Manpower Services Inc.

Namemeke ang mga hayop na ‘to ng dokumento at nagkutsabahan pa para makapag-abroad ang aplikante. Sino ang may kasalanan ngayon? Pare-pareho.

Hindi ko sinulat ang kolum na ito para manisi. Hangga’t may naloloko ang mga kawatan at may mga biktimang willing magpaloko magkatrabaho lang sa ibang bansa, paulit-ulit lang ang mangyayari.

Para naman sa mga ilan na nasa puwesto, alam naming magaling silang magtrabaho. Doon sa iba, ewan. Palaki lang ng tiyan, naghihintay ng pensyon at kung ano man. Matamaan, asar talo.

Ang punto ko, ‘wag makipagkutsabahan sa panloloko, maging maingat sa pakikipagtransaksiyon at siguraduhing dumaan sa tama at legal na proseso – ‘yung may partisipasyon ng mga ahensiya ng gobyerno para kapag nalagay sa peligro, hindi mahihirapang saklolokan ang kahit sino.

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with