Problema sa Immigration

DISMAYADO umano ang mga kawani ng Bureau of Immigration (BI) dahil sa pag aalis ng kanilang overtime pay.

Mababa na raw ang moral ng mga taga-BI dahil nabawasan ang kanilang benepisyo.

Nasilip kasi ng Department of Budget and Management (DBM) na sobra- sobra ang overtime payment sa BI na aabot sa halos 250 percent sa kada empleyado.

Ayon kay Budget secretary Ben Diokno, ang tama at legal na overtime pay ay hindi lalampas sa 50 percent ng kabuuang suweldo.

Halimbawa kung ang suweldo ng isang empleyado ay P15,000 kada buwan ay hindi dapat lalampas sa 7,500 ang overtime pay pero sa ngayon ay 250 percent na napakalaki.

Magandang ipasilip at ipa-audit ng DBM ang BI dahil sa sobrang laki ang binabayaran  sa overtime.

Sa mga empleyado na hindi makatiis sa bagong sistema at paghihigpit sa overtime pay ng DBM ay malayang makakaalis sa BI at maghanap ng ibang trabaho.

Napakaraming walang trabaho lalo na ngayon ay marami ang magsisipagtapos sa kolehiyo at ito ang magandang pagkakataon upang mapunan ang kakulangan ng empleyado sa BI.

Bagamat mangangailngan pa ng kaukulang training ang mga bagong makukuhang empleyado ay pansamantala at maikling panahon lang at muling babalik sa normal ang operasyon nito.

Kaya naman kinakailangan ang kooperasyon ng publiko lalo na ng mga biyahero sa ibang bansa na apektado ng problema sa mga kawani ng BI lalo na sa mga international airport.

Show comments