Bus tragedy, ’di na dapat imbestigahan ng Senado

Tila walang gustong palusutin na malalaking isyu ang Senado hinggil sa kanilang pag iimbestiga.

Maging ang naganap na trahedya sa Tanay, Rizal sa pagbangga ng tourist bus sa poste ng Meralco na ikinasawi ng 15 katao ay nais na ring imbestigahan ng Senado.

Ano pa ba ang gustong alamin ng mga senador sa pagpapatawag ng Senate inquiry samantalang lumabas na rin sa media ang lahat ng mga usapin maging ang mga posibleng pananagutan ng bus company at paaralan.

In aid of legislation ang pag-iimbestiga ng Senado pero sa aking pananaw ay hindi na kailangan pa na magpatibay ng bagong batas upang mapigilan ang mga malalagim na aksidente.

Sa ngayon ay naging maagap naman ang commission on higher education na nagsuspinde sa pagsasagawa ng mga field trips sa mga kolehiyo at unibersidad.

Bukod dito ay nag-imbestiga na ang LTFRB sa kalagayan ng bus company at may mga nasilip ng paglabag ang kompanya.

Tila sapat na ang kasalukuyang batas na umiiral kaya naman hindi na kailangan pa ng bumalangkas ng bagong batas mula sa gagawing imbestigasyon ng Senado.

Ang pinakamainam na gawin ng Senado ay manawagan sa Department Of Transportation na may saklaw sa Land Transportation Office at Land Transportation and Franchising Regulatory Board, Ched at iba pang kinauukulang ahensiya ng gobyerno na mahigpit na maipatutupad ang lahat ng patakaran at batas upang tiyakin na ang field trips ay ligtas para sa mga mag-aaral.

Mahalaga ang field trips sa paghubog sa mga mag-aaral kaya naman dapat itong ituloy subalit mas mahigpit lang ang sistema sa pagtiyak sa kaligtasan ng mga estudyante.

Nagiging mainit lang naman ang usaping ito dahil may namatay pero makalipas ang ilang araw ay muling mababaon na sa limot at balik na naman sa dating sistema.

Show comments