Mga kabataang nambabato ng mga sasakyan, tutukan!

Dapat na talagang matutukan nang husto hindi lamang ng kapulisan kundi mas lalo ng mga opisyal sa barangay ang mga pasaway na kabataan na nambabato sa mga sasakyan sa lansangan.

Ayun nga, sa naganap na insidente sa Mindanao Avenue sa lungsod Quezon kamakailan,  ilang pasahero ng bus ang nasugatan nang pagbabatuhin ng isang grupo ng mga kabataan.

Talagang perwisyo ang mga ito,  na wala namang kadahi-dahilan at nambabato.

Hindi na iniisip ang mapeperwisyo at kanilang masasaktan na mga inosenteng sibilyan.

Katwiran marahil ng mga ito, mga menor sila ay hindi basta-basta  makukulong.

Matagal nang laman ng lansangan  ang ganitong uri  ng mga kabataan, hindi nga ba’t sa mga nakaraan naghuhulog ng mga bato ang ilang grupo rin ng kabataan sa ilalim ng tulay sa Quezon City rin. Ilang sasakyan na dumadaan dito ang nabasagan na ng salamin at ang ilan naman eh nasugatan na rin.

Sa kahabaan ng C-5  sa Taguig, nauso rin ang ganitong pambabato sa mga sasakyang dumadaan dito.

Maging sa ilang lugar sa SLEX,  ilang bus din dito ang naging biktima nang pambabato.

Dapat na kumilos ang mga pulis at mga local government units na mabantayan ang mga ganitong kabataan.

Iyan nga rin ang isa sa dahilan kaya nais ng maraming mga magulang na maibalik ang curfew sa mga menor de edad, para na rin maiwas sa mga masasamang barkada na hatinggabi na eh laman pa ng kalsada..

Show comments