Sir Juan (85)

BIGLANG binitiwan ni Sir Juan ang hawak na baso na may lamang beer at saka mabilis na tumakbo. Kanya-kanya ring takbo ang iba pang customer. Pawang nasorpresa sa biglang pag-raid ng mga pulis. Dahil kaya sa pagpapalabas ng hubad? Posible!

“Walang tatakbo! Mga pulis kami! Walang tatakbo!”

Narinig ni Sir Juan. Ang boses ay galing sa may pintuan. At kasunod ay ang kalabugan.

Pero hindi pinakinggan ni Sir Juan ang babala na walang tatakbo. Tumakbo siya patungo sa comfort room. Nagkabangga-bangga siya dahil bahagyang madilim sa may CR. Pero nagbago ang kanyang desisyon na magtungo sa CR at sa halip, ang sekretong room na nakita niya kanina ang tinungo. Kung sa CR siya pupunta, mas madali siyang mahuhuli at saka wala na siyang pagtataguan doon dahil baka doon nagsitakbo ang mga customers. Kakahiya kapag nahuli siya. Baka may kasamang mga reporter ng TV at diyaryo ang mga pulis at makunan siya ng picture. Malalagay pa siya sa frontpage. Hindi siya magpapahuli.

Dinamba niya ang pinto. Itinulak niya. Bukas! Hindi pala nakakandado! Tamang-tama!

Nang makapasok ay agad niyang ni-lock. Madilim sa loob ng room. Ipinikit niya ang mga mata para masanay sa dilim. Mga 30 seconds siyang pumikit. Nang magmulat, bahagyang maliwanag na sa kabuuan ng room. Nakita niya ang computer na nakapatong sa mesa. Naka-on ang computer. Mayroon ding printer na mauy nakasubing papel. Halatang may taong gumagawa sa computer. Baka biglang umalis nang marinig na mayroong raid. May nakita rin siyang tasa na may lamang ng kape at mayroong sandwich. Hindi na nakain ang sandwich. Baka sa pagmamadali ay hindi na nakain ang sandwich. Opisina ang room na ito. May ilang libro rin siyang nakita at mga malalapad na notebook. Baka dito ang accounting ng KOLEHIYALA?

Nang magulat si Sir Juan nang makarinig ng katok sa pinto. Hanggang sa kalabugin na ang pinto. Parang pinalo ng puluhan ng baril.

Sa kalituhan ni Sir Juan ay napapasok sa pinakaloob pa ng kuwarto. May kurtina roon. Nang hawiin niya at nakita niyang may hagdan pababa. May sekretong lagusan pala ito.

Nagmamdali siyang nagtungo sa hagdan para bumaba. Hindi siya dapat magpatumpik-tumpik sapagkat baka abutan siya ng mga pulis.

Bumaba siya sa hagdan. Bahala na kung saan siya mapunta. Kailangang matakasan niya ang mga sumalakay. Hindi siya magpapahuli!

(Itutuloy)

Show comments