Ang Mandaraya

SINISINGIL na si Efren ni Naldong 5-6. Sa kasamaang palad ay hindi pa rin ito makabayad kaya binigyan muna si Efren ng karinyo brutal ng mga bodyguards ni Naldo. Bago umalis – may iniwang salita si Naldo kay Efren: Kung hindi ka makakabayad sa pagbabalik ko sa susunod na buwan, mamili ka sa dalawa – tatanggapin mo ang parusang ipapataw ko sa iyo o ipapakasal mo sa akin ang anak mong si Lilibeth. Kung ipapakasal mo sa akin ang iyong anak, kakalimutan ko na ang utang mong P100,000.

Nahintakutan si Lilibeth sa narinig. Siya ay 16 years old lamang samantalang si Naldong 5-6 ay 65 years old at ubod ng pangit. Tumititig pa lang siya sa mukha nito ay naninindig na ang kanyang balahibo, ano na ang mangyayari sa kanya kung tatabihan siya nito sa pagtulog. Ngiii!

Isang panahong nalulong sa sugal si Efren kaya nagkaroon siya ng utang kay Naldo na may-ari ng pasugalang pinupuntahan niya noon. Dumating ang takdang araw ng paniningil ni Naldo. Ngising aso ito nang humarap kay Efren. “O, ano, may ibabayad na ang aking future biyenan?”

Nakatungo si Efren, hindi sumagot.

“Hmm…ang ibig sabihin ay wala…zero…butata. Magkaganoon pa man, kailangang makipaglaro ngayon ang iyong anak. May dalawa akong bato na nasa aking bag. Isang puti at isang itim. Dudukutin ni Lilibeth ang isang bato sa bag. Kapag ang nadampot niya ay itim – magpapakasal siya sa akin at ang utang ng kanyang ama ay buburahin ko na. Kapag puti naman ang kanyang nakuha – hindi na ako kailangang pakasalan ni Lilibeth at burado ang lahat ng utang. Kung tatanggi siyang mamili ng bato, oramismo ipapakulong kita Efren.

Dinukot ni Lilibeth ang bato ngunit nang hawak na niya ang bato,  nabitawan  niya ito dahil bigla siyang natalisod sa butas ng kanilang sahig. Hindi na malaman kung puti o itim ang batong nakuha niya dahil nahulog ito sa butas ng sahig. Hinanap ng bodyguard ang bato sa silong ng bahay ngunit hindi na makita.

Nag-suggest si Lilibeth na tingnan kung ano ang kulay ng batong natira sa bag upang malaman ang kulay ng batong nawawala. Nang inspeksiyunin, batong itim ang natira sa bag, kaya ibig sabihin, puti ang nadampot ni Lilibeth.

Lingid sa kaalaman ng lahat, boyfriend ni Lilibeth ang isa sa mga tauhan ni Naldo. Ito ang nagprisintang maghanap ng bato sa silong ng bahay. Ang boyfriend din ito ang nag-text sa mag-ama na ang batong pamimilian ni Lilibeth ay parehong kulay itim. Kaya bago pa man dumating sa bahay nila si Naldo ay binutas nila ang sahig na kahoy sa salas upang doon kunwari matatalisod si Lilibeth at doon din itatapon ang batong mapipili niya. Walang nagawa si Naldo kundi tumupad sa kanyang ipinangako dahil mabibisto siya na may daya ang dalawang bato. At kung magka-letse letse ang usapan, puwede siyang kasuhan ni Efren lalo na at menor de edad ang involve sa mga pangyayari. Lalo siyang malilintikan kung maha-highlight ang kanyang mahalay na pagnanais kay Lilibeth.

Show comments