EDITORYAL – Kawawa ang kalagayan

ISANG taon na ang nakalilipas mula nang salakayin ng Moro National Liberation Front (MNLF) na pinamumunuan ni Nur Misuari ang Zamboanga City. Nagkaroon nang matinding labanan ang mga rebelde at sundalo na tumagal ng tatlong linggo at ikina­matay ng 240 katao. Nakatakas si Misuari at hanggang ngayon ay hindi pa nahuhuli. Walang inpormasyon kung nasaan si Misuari.

Hanggang ngayon, hindi pa nakababangon ang mga sibilyan sa idinulot na karahasan ng MNLF. Marami ang nananatili sa gymnasium sapagkat hindi pa naga­gawa ang mga nasira nilang bahay. Halos mapulbos ang siyudad sa dami ng mga bala na pinaulan doon. Tinatayang 11,000 sibilyan ang nananatiling nakatira sa sports complex. Halu-halo sila roon. Masyadong mahirap ang kalagayan. Kapag gagamit ng kubeta, kailangang magdala ng sariling timba ng tubig. Ka­ilangang umigib sa malayong lugar. Nakaaawa ang mga bata na madalas dinadapuan ng sakit dahil marami silang kahalubilo. Madaling kumalat ang sakit.

Sama-sama sa isang tent ang magkakapamilya na kapag umuulan ay pumapasok ang tubig. Maputik ang kanilang dinaanan palabas ng sports complex. Sabi ng evacuees, hanggang kailan daw kaya sila mag­durusa sa tinitirahan nila. Parang nakalimutan na raw sila ng gobyerno sapagkat mabagal ang ginagawang tulong. Mayroon pang nagsabi na mas binibigyan ng atensiyon ang mga biktima ng “Yolanda” gayung sila ang dapat unahin sapagkat dumanas sila ng grabeng trauma nang lusubin ng MNLF. Sana raw ay makita ng pamahalaan ang kanilang pagdurusa na isang taon na nilang dinaranas.

Ang sitwasyong dinaranas ng mga taga-Zamboanga ay nagpapakita sa kahinaan ng gobyerno na matu­lungang maitayo ang mga nasirang bahay. Kailangan bang umabot ng isang taon ang kanilang paghihirap habang nakatira sa mga tent at pinagtagpi-tagping tabla at yero? Kung nakagawa ng mga bahay sa sina­lanta ni “Yolanda” dapat ganyan din ang gawin sa mga biktima ni Misuari. Bilis-bilisan naman ang pagkilos. Maawa naman sa mga taong naghihirap sa Zamboanga.

Show comments