Pinakamahal na cell phone number sa mundo, nabili sa halagang $2.1-m

NABILI sa isang subastahan sa Dubai ang sinasabing pinakamahal na cell phone number sa mundo sa halagang $2.1 milyon o humigit-kumulang P80 milyon.

Pinagkaguluhan ng mga gustong magkaroon ng eksklusibong cell phone number ang pagkamahal-mahal na numero dahil sa kakaiba nitong kombinasyon na 777-7777.

Nasa pitong daan ang mga nakilahok sa subastahan at hindi lamang ang kombinasyong 777-7777 ang ini-offer sa mga mamimili. Nariyan din ang kombinasyong 777-7770 na naipagbenta sa halagang $340,000 o humigit kumulang P15 milyon.

Bukod sa mga espesyal na numero ng cell phone ay makakakuha rin ang mga nanalo sa subastahan ng 12 oras ng tawag, 22,500 na text messages, at 100 gigabytes ng data para sa pag-i-Internet na magagamit nila bawat buwan.

Pero alam n’yo ba na ang ang malaking bahagi ng mga halagang nakolekta mula sa subastahan ay mapupunta sa kawanggawa?

Hindi kasi inasahan ng mga nag-organisa na aabot sa napakalalaking halaga ang presyo ng mga cell phone number na kanilang ibinebenta kaya bilang pasasa-lamat sa mga sumuporta at nakilahok, ibibigay nila sa charity ang bahagi ng kanilang napagbentahan.

Show comments