Hazing: Bakit nakamamatay?
ANG hazing ay isang gawain (initiation) ng ilang fraternity para sa mga bagong miyembro ng grupo. Para makasali ka sa ilang grupo, kailangan kang dumanas ng isang pagsubok.
Kadalasan sa hazing, pinapalo ng paddle ang biktima sa hita at puwit. Minsan ay may pukpok pa sa likuran. Kapag nasobrahan ang pang-aabuso sa biktima, puwede ito humantong sa pagkamatay.
Ano ang posibleng pinsala ng hazing?
1. Ang pagpalo sa hita at puwit ay magdudulot ng muscle injury at matinding pasa. Kapag nasira o nabugbog ang muscle, maglalabas itong ng muscle tissue (myoglobin) at ito ay puwedeng magbara sa kidneys. Puwedeng umihi ng kulay orange o kape ang biktima at umabot sa kidney failure at pagkamatay. Ang tawag sa sakit na ito ay rhabdomyolysis, o pagkasira ng muscle na nagdulot ng kidney failure.
2. Ang pagpalo sa ulo ay puwedeng magdulot ng pagdurugo sa utak (brain hemorrhage). Kapag sa dibdib tinamaan, puwedeng magdugo sa baga. At kapag sa tiyan ang tinamaan, ay puwede magkaroon ng internal organ bleeding. Namamatay ang biktima sa pagkaubos ng dugo.
3. Bukod sa pagpalo, ay mayroong ding psychological abuse na nangyayari. Nagkakaroon ng trauma ang biktima.
4. Kadalasan ay nakainom ng alak ang mga gumagawa ng hazing. Bukod sa nakainom ang mga lider ng grupo, marami sila na nagbibigay ng parusa sa biktima. Dahil dito, nagkakaroon ng “mob mentality” kung saan lumalakas ang loob ng grupo na magbigay nang matinding pananakit sa biktima. Ito ay isang dahilan kung bakit marami na ang namamatay sa hazing.
Ano ang dapat gawin?
Sa mga biktima ng hazing, kailangan silang madala agad sa ospital para mabigyan ng lunas. Sa ospital, binibigyan ng suwero at dugo ang pasyente. Kapag may kidney failure, puwedeng mag-dialysis para maalis ang toxins na nag-ipon sa katawan.
Sa mga kabataan, huwag na lang sumali sa fraternity o sorority na nagsasagawa ng hazing. Hindi tunay na kaibigan ang nananakit sa iyo bago ka gawing miyembro. Walang magandang maidudulot sa iyong buhay ang pagsali sa masasamang grupo.
- Latest















