Mahirap isipin

Mahirap isiping tayo’y nabubuhay

sa isang daigdig  na maraming alam;

saan man dumako ang ating isipan

di natin makamit tahimik na buhay!

 

Sa lahat nang dako’y maraming panganib

na likha ng taong dito’y nagmamasid;

tahimik na buhay di natin masapit

dahil hangad nila sila’y makahigit!

 

Ang kapayapaa’y laging naglalaho

ang gusto ng iba tayo ay ilugso;

masamang hangarin hindi nagbabago

hangga’t ang tagumpay di nila matamo!

 

Kaya ang hangaring tahimik na buhay

mahirap makamit sa ‘sang saglit lamang;

kung ito ay hindi sasamahang dasal

hindi masasapit ang kapayapaan!

Show comments