Ipis, pumasok sa taynga ng Australian!

NAGISING si Hendrik Helmer ng Darwin, Australia dahil sa sakit ng kanang taynga. Isang ipis ang pumasok doon!

Para mapalabas ang ipis, sinubukan niyang gamitan ng vacuum cleaner. Pero ayaw pa ring lumabas at bagkus ay gumapang pa sa kaloob-looban at nagdulot ng lalo pang sakit.

Isinugod na siya ng kasama sa bahay sa ospital. Nilagyan ng doctor ng olive oil ang loob ng taynga. Pero lalo lamang pumasok sa loob ang ipis.

Hanggang sa gumamit na ng forceps ang doctor at dahan-dahang hinila palabas ang ipis. Ganun na lamang ang pagkagulat ng doctor sapagkat one inch ang haba nito.

Ganoon na lamang ang pasasalamat ni Helmer sa doctor makaraang maalis ang ipis.

Sabi ni Helmer baka sundin na niya ang payo ng isang kaibigan na mag-headphones habang natutulog para huwag pasukan ng ipis ang taynga.

 

Show comments