‘Patikim lang’

DAANG libo ang bentahan at bayaran, kung minsan umaabot pa ng milyon. Ngunit may mga tao kung magpakawala ng pera, akala mo bumibili ka ng isang pirasong kendi.

“Tapos na naming bayaran ang lahat at nang kinukuha na namin ang titulo napag-alaman namin na nakasanla pala yun sa Banco Filipino,” sabi ni Ermelita.

Matagal nang nabili ng biyenan ni Ermelita Sevilla, 49 taong gulang, taga-Bacoor, Cavite ang lupa na naipamana sa kanila ngunit hindi nila makuha ang titulo. Taong 1983 nang bumili si Gloria Sevilla ng lupa’t bahay kay Purisima Ver Villaroman. Ang lupa ay nasa Laging Handa Pasay at may lawak na 300 sqm. Ipinakita ni Purisima kay Gloria ang lupa’t bahay, nagustuhan niya ito kaya nagbayad kaagad.

“Isang daang libong piso ang halaga ng lupa. Wala silang ibinigay na ‘deed of sale’ dahil ang titulo na lang daw ang iaabot sa amin,” kwento ni Ermelita. Wala rin resibong ibinigay si Purisima bilang patunay sa nangyaring transaksiyon.

“Nang kukunin na ng biyenan ko ang titulo dun na niya nalaman na nakasanla pala ang lupa’t bahay sa Banco Filipino,” pahayag ni Ermelita. Bago mamatay si Purisima nagbilin umano ito sa mga anak na sina Gerald at Malou na asikasuhin ng mga ito ang problema nila kay Gloria.

“Nagpunta yung magkapatid sa Tramo kung saan nakatira ang biyenan ko para makipag-usap,” ani Ermelita. May dala umanong titulo sina Malou at Gerald ngunit hindi ang titulo ng lupa’t bahay na kanilang binili sa Pasay kundi lupa sa Marikina.

“Gusto nilang palitan na lang dahil nakasanla nga sa bangko yung isa. Hindi pumayag si nanay dahil lupa lang ang ipapalit. Ang binili niya ay lupa’t bahay,” wika ni Ermelita. Inalok din sila ng lupa sa M. dela Cruz, Pasay at ito ang tinanggap nila bilang kapalit.

“Mas maliit yun kaysa sa nabili. Nasa 100 sqm lang,” kwento ni Ermelita. Naka-subdivide na umano ang lupang iyon kaya nagbigay pa ng dalawang titulo ang magkapatid para buuhin ang 300 sqm na nabili ni Gloria sa kanilang ina. Binigyan sila ng ‘authorization’ ni Gerald Villaroman, anak ni Purisima noong Enero 1991. Nakasaad dito na binibigyan niya ng authorization si Gloria Sevilla. Ito ay may kinalaman sa kanilang natitirang balanse para sa bahay at lupa na binili nito.

Nang di pa nila nakukuha ang titulo ng lupa nagdesisyon na siyang kumilos. Hunyo 13, 1991 gumawa ng ‘Adverse Claim’ si Gloria at itinatak sa likuran ng titulo ng lupa’t-bahay. Nang mamatay si Gloria saka lamang nalaman nina Ermelita na sa kanila ipinamana ang lupang nabili nito kay Purisima.

“Nagtayo kami ng bahay dun pero hindi namin nasagad ng 300 sqm kasi nakiusap sa amin ang kapitan na gagawin nilang basketball court,” kwento ni Ermelita. Ayon kay Ermelita, malaki umano ang loteng pag-aari ng mga Villaroman duon. Nagtayo ito ng bahay sa may gilid nila at ginawang paupahan.

“Hinihingi sana namin ang loteng yun pero hindi pa nagpapakita ang magkapatid. Paupahan kasi nila ang mga nandun,” pahayag ni Ermelita. Pinapaupahan na din nina Ermelita ang lupang ibinigay sa kanila ng magkapatid bilang pampalit sa nabili ni Gloria.

“Sabi sa akin ng umuupa pinagiba na daw nila ang bahay namin dahil gagawin nilang condominium. Ayoko namang sumugod dun dahil gusto ko daanin sa ligal,” ani Ermelita. Gustong ipalipat ni Ermelita sa kanilang pangalan ang lupa ngunit wala naman silang ‘deed of sale’. Hindi niya alam kung anong hakbang ang maaari nilang gawin para maayos ang problema nilang ito. Nagsara na din ang Banco Filipino kung saan nakasanla ang lupa. Ito ang dahilan ng paglapit niya sa aming tanggapan.

Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 3:00pm-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Ermelita.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, tuwing bibili tayo ng lupa alamin muna natin kung may problema ba ito (Caveat Emptor, let the buyers beware).  Hindi porket mura ay agad natin itong susunggaban.

March 17, 2011 nang magkaroon ng ‘bank run’ ang Banco Filipino at ipinag-utos ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang pagsasara nito. Hindi rin malinaw sa authorization na ibinigay kung para saan iyon. Ang isang dokumentong tulad nito ay maaring kanselahin anumang oras na kanilang naisin. Binigyan namin sila ng ‘referral’ pa­punta sa Land Registration Authority (LRA) upang matulungan malaman at makita ang ‘Mother Title’ para kumpirmahin kung kanino nakarehistro ang lupa. Merong ‘legal department’ ang LRA para magabayan sila. Ang tanging konswelo nila napatatakan ng ‘adverse claim’ ang titulo kaya’t hindi basta mabebenta ito at kung may interesado, kailangan ayusin muna ang nakatatak (annotation) sa titulo. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor City State Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038.

Show comments