Follow me!

NOONG nakaraang linggo, naging abala kami ni Gummy sa pagti-taping sa isang programa ng GMA News TV – ang Follow that Star. Prebilehiyong maituturing na ma-feature ang buhay naming mag-iina, kasama ang aking lola at mama. Dito ipinakita ang aming daily routine – mula sa paghahatid ko kay Gummy sa school, hanggang sa paggawa ko ng errands habang nasa school siya, hanggang sa masundo siya at bumili ng baking supplies sa Chocolate Lover at mag-deliver ng mga cupcake sa Moonleaf Tea Shop Makati, at bumisita sa set ng My Husband’s Lover at pati ang pamamasyal sa Manila Ocean Park – isa sa mga hindi namin malilimutang mag-ina.

Bilang ina, responsibilidad ko hindi lamang ang bigyan ng magandang buhay at kinabukasan ang aking anak, pakainin siya ng tama at pag-aralin siya. Ngunit bahagi rin ng pagiging isang mabuting  magulang ang ipasyal ang anak at iparanas sa kanya ang iba’t ibang bagay sa buhay. Si Gummy ay isang malaking fan ng tubig at mga lamang-dagat. Mula sa isda, kabibe, hanggang sa pugita, penguins at mga pating. Kaya dream come true ang makapunta kami sa MOP. Matagal ko nang pinaplano ang pumunta roon pero for some reason ay hindi kami matuluy-tuloy. Yun pala ay mas maganda ang plano at timing ni Lord. Televised pa ang aming pagbisita.

Doon ay nagpadede kami ng pagkain sa mga higanteng koi fish, nagpakain ng isda sa mga Penguins at nakaranas ng snow sa snow village. Nagtapos ang aming pamamasyal sa pagkain ng crispy noodles sa aming Chinese restaurant na North Park.

Bukod sa bonding naming mag-iina sa local sea world, isa rin sa naging focus  ng aming episode ay ang aking negosyong baking at kung papaano ko ito nama-manage na patakbuhin sabay ng pagiging isang ina kay Gummy. Kung nais ninyong matikman ang mga desserts ko ay kabilang ako sa Beauty Fair Bazaar ngayong Biyernes hanggang Sabado sa Il Terrazo Penthouse sa Tomas Morato. At sa Sabado naman ay may meet and greet kami ng mga miyembro ng cast ng My Husband’s Lover sa Araneta para sa nalalapit na One More Try The Finale Concert sa Oktubre 12.

Kung nais ninyong masilip ang buhay ko – bilang aktres, ina, anak at panadera at ma-inspire­ sa buhay ng isang single mother, manood ng Follow that Star bukas, 8:00 p.m. sa GMA News TV 11.

Show comments