EDITORYAL - Pagtaas ng matrikula

URUNG-SULONG pa ang Commission on Higher Education (CHEd) sa paghahayag kung aaprubahan ang aplikasyon ng 344 pribadong unibersidad at kolehiyo para makapagtaas ng matrikula. Hindi pa raw nila napagdedesisyunan ang aplikasyon ng mga unibersidad at maaaring ngayong araw na ito sila maglabas ng pinal na pasya ukol dito. Pero ayon sa ilang report, naaprubahan na noon pa ang aplikasyon ng 344 pribadong unibersidad at nag-increase na ang matrikula ng mga nagsipag-enrol na estudyante. Nagsimula na ang enrollment sa ilang unibersidad sa Metro Manila noong nakaraang linggo.

Taun-taon, humihirit ang mga pribadong unibersidad ng pagtaas ng tuition fees. At wala namang magawa ang CHEd kundi aprubahan ang aplikasyon. Sa nangyayari, tila nawawalan na ng saysay ang CHEd tuwing pasukan sapagkat laging nagpapasan nang mabigat ang mga magulang dahil sa pagtaas ng tuition. Maraming magulang ang nagpapakakuba sa pagtatrabaho para lang may maipang-tuition. Ang ibang magulang ay “kumakapit sa patalim” para may maipangmatrikula. Mahalaga sa mga magulang ang edukasyon ng kanilang mga anak.

Sabi ng CHEd, naiintindihan naman nila ang mga pribadong unibersidad kaya nag-aaplay para sa pagtataas ng tuition. Kailangan din naman nila ng karagdagang kita para manatili silang nakatayo. Sa hinihinging tuition increase kinukuha ang pangsuweldo ng mga propesor at instructor at sa iba pang staff ng unibersidad. May karapatan din naman daw ang mga private school na makapag-increase.

Wala nang magagawa ang mga magulang at estud­yante sa pagtataas ng tuition fees sapagkat madaling mag-apruba ang CHEd. Ang tanong, ano naman kaya aasahan ng mga magulang sa mga unibersidad na nagtaas ng matrikula? Resonable kaya ang pagtataas? May kalidad naman kaya ang edukasyon na ipagkakaloob nila?

Sana hindi masayang ang mahal na matrikula.

Show comments