Nag-aaksaya ng pondo ang Comelec

Problema ng Comelec ang pagmamantine sa precinct count optical scan (PCOS) machines. Tumaas na raw ang renta sa warehouse  na pinaglalagakan ng 82,000 na PCOS machines na gagamitin sa 2013 elections.

Inamin ni Comelec chairman Sixto Brillantes na sini­singil na sila ng P11-milyon sa renta sa warehouse subalit ang kakayanin lamang nilang budget ay P 7.2-milyon.

Heto na ang matagal kong sinasabi na hindi talaga nararapat na binili ng Comelec ang PCOS machines dahil sa malaking magagastos sa pagmamantine nito. Ang masaklap, pangmatagalan ang pagmamantine ng machines samantalang kung inarkila lang, walang gastos sa warehouse at anytime, puwedeng mag-upgrade ng bagong modelong machines. Inaasahan na sa 2016 presidential elections ay mayroon nang lilitaw na bagong modelo ng PCOS machines.

Pero nagpilit ang Comelec officials na bilhin na lang ang PCOS machines na sinuportahan ng Malacanang at idineklarang legal ng Supreme Court. Hindi naman nangangahulugan na dahil legal ang pagbili ay tama na ito.

Marami ang nag-iisip kung may milagro bang nangyari sa nasabing bentahan gaya sa mga nakaraang transaksiyon sa gobyerno na mayroong kumita. Hindi maaalis ang pagdududa dahil mas magastos ang bumili kaysa magrenta.

Sana, mayroong humirit na imbestigahan ang nasabing transaksiyon. Muling himayin ang transaksiyon ng Comelec sa Smartmatic upang matiyak na walang anomalya. Dapat masiguro na talagang mas may bentahe ang pagbili sa halip na pagrerenta.

 

Show comments