8 pulis arestado sa rape at robbery

6 pa tugis
MANILA, Philippines — Walo sa 14 na pulis ang naaresto nang ireklamo nang panggagahasa sa isang 18-anyos na dalaga at pagnanakaw sa bahay nito nang isagawa ang isang raid kahapon sa Brgy. Talaba 3, Zone 6, Bacoor City, Cavite.
Nasa kustodiya na ng Bacoor Police Station ang walong suspek na kinilalang sina PLT Ram Rojun Pastor Maristela; PMSg Kristian Roxas Vega; PCpl Marvin Jae Francisco Abella; PCpl John Michael Salita Aga; PCpl Ronnie Garcia Lising; Pat Jimmer Domingo Vendiola; Pat Crisanto Baraquiel Gicoso; at Pat Jefferson Veloria Calma.
Pinaghahanap naman ang anim pang pulis na sina PCpl Jerome Roxas; Pat Alexander Verzosa; PCpl Dondee Great Olog; Pat Edward Tagadtad; Pat Raymart Elaciste; at Pat Richard Saet na pawang nakadestino sa Provincial Drug Enforcement Group Special Operatioj Unit 4-A.
Kinilala naman ang biktima sa alyas “Nene”, Grade 9 student, residente ng Talaba 3, Bacoor City, Cavite.
Lumalabas sa imbestigasyon, dakong alas-7:45 ng umaga nitong Sabado ay nagsagawa ng operation ang grupo ng mga suspek sa bahay ng biktima at target ang isang di umanoy big time drug pusher na nakatira sa nasabing bahay.
Subalit ayon sa biktima, kinuha ng mga nasabing pulis ang mahahalagang gamit at pera sa loob ng kanilang bahay at pagkatapos umalis ay ginahasa ng ilan sa mga nag-raid na pulis ang biktima.
Agad na nagreklamo sa Bacoor Police ang biktima at pamilya nito kung kaya’t nagkasa ng follow-up sa opisina ng Drug Enforcement Group, Special Operation Unit 4A sa Camp Vicente Lim, Brgy. Mayapa, Calamba Laguna na ikinaaresto ng 8 suspek.
Narekober din ang iPhone 13 na pag-aari ng biktima, Toyota Innova na may red plate number SHU704, 1 yellow Mio i125 na walang plaka na pag-aari ng biktima, 2 selyadong transparent plastic sachet at 1 nakabuhol na plastic na naglalaman ng mga shabu na aabot sa mahigit kumulang 86 gramo at may standard drug price na P584,800.00.
- Latest















